316 total views
Puspusan ang ginagawang paghahanda ng National Shrine of Our Lady of Mt. Carmel sa New Manila Quezon City para sa nalalapit na deklarasyon nito bilang bagong Minor Basilica.
Ayon kay Father Joey Maborrang, OCD, isang malaking biyaya ang pagkakahirang sa dambana bilang bagong Basilica Minore sa Pilipinas.
Sinabi ni Father Maborrang na kaakibat din ng pagpapala ang mas malaking misyon sa pagpapalakas ng pananampalataya ng mga Katoliko hindi lamang sa Pilipinas kun’di maging ang mga manlalakbay mula sa iba’t-ibang bansa.
“Sa National Shrine we are actually responsible and answerable sa national level sa buong Pilipinas thru the CBCP pero kapag tayo naman po ay tinawag na basilica, we are also responsible and answerable, to the Holy Father, to the whole church, international level ng konti.” pahayag ni Father Maborrang.
Inihayag ng Pari na bilang isang Minor Basilica, ay magiging daluyan na din ng pagpapala at pagbabasbas ng Diyos ang dambana ng Monte Carmelo.
Ang mga mananampalatayang bibisita sa bagong minor basilica ay makatatanggap ng plenary indulgence.
“Regarding po sa grace, it is an added title but at the same time also, yung tinatawag natin na benefits na binibigay sa atin katulad ng plenary indulgence na hindi po lahat ng simbahan ay binibigyan ng pagkakataon na maging daluyan ng pagpapala at pagbabasbas ng Diyos sa pamamagitan ng Plenary Indulgence. Permanent or we call this perpetual, forever.” paliwanag ni Father Maborrang sa Radio Veritas
Samantala, ipinaliwanag din ni Father Maborrang na hindi madali ang proseso upang madeklarang minor basilica ang isang simbahan.
Sinabi ng Pari na ilan sa mga pamantayan na kinakailangan ay pagkakaroon ng aktibong social services program, mga aktibong deboto na sama-samang nananalangin ng liturgy of the hours, pagkakaroon ng Schola Cantorum, at pagbibigay ng patuloy na pag-aaral sa mga encyclical at iba pang turo ng Santo Papa.
Sa kasalukuyan mayroon nang labinlimang Minor Basilica sa buong Pilipinas.
Ika-30 ng Nobyembre 2018 nang inanunsyo ng Vatican ang pagiging Basilica Minore ng National Shrine of Our Lady of Mt. Carmel sa Quezon City at Shrine of La Virgen Milagrosa de Badoc sa Ilocos Norte.
Inanyayahan naman ni Father Maborrang ang mga mananampalataya mga pari, relihiyoso at relihiyosa na makiisa sa maringal na pagdiriwang ng banal na misa para sa Solemn Declaration of the Basilica of the National Shrine of Our Lady of Mount Carmel, sa lunes ika-25 ng Marso ganap na alas sais ng gabi.