619 total views
Maipatupad at makatugon sa mga suliraning kinakaharap ng lipunan, ang mga tinalakay sa katatapos 124th na Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Plenary Assembly.
Ito ang inaasahan nina Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo at Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa pagtatapos ng pagtitipon na dinaluhan ng may 100 obispo mula sa 86 na diyosesis sa buong bansa.
Nawa ayon kay Bishop Ongtioco-chairman CBCP-Episcopal Commission on Mutual Relations and Consecrated Persons ay magbunga sa magagandang gawa ang mga tinalakay sa plenaryo.
Hiling din ni Bishop Ongtioco sa Panginoon na sa pamamagitan ng pagtitipon ay mapukaw ng simbahan ang mananampalataya na tulungan ang kanilang kapwa higit na ang pinakamahihirap sa lipunan.
“Patuloy sana magbunga sa galaw ng Espiritu Santo yung sama-sama po tayong maglakbay, pari, laiko, madre, lahat, walang naiiwan, walang isinasantabi, magkaisa tayo sa paglakbay tungo sa buhay at banal na simbahan sana po magkaisa tayo sa panalangin, sa paglalakad, sa pakikinig, sa pakikiaalam,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Ongtioco.
Ayon naman kay Bishop Bagaforo-national director ng NASSA/Caritas Philippines nawa ay naging daan ang plenaryo upang maabot ng simbahan ang bawat Pilipinong nakakaranas ng iba’t-ibang krisis na pinalala pa ng umiral na pandemya at digmaan sa iba’t ibang bansa.
“Hinihingi po namin na naway bigyan ng liwanag aming mga kaisipan upang kaming lahat na mga obispo na iyong piniling maging pastol ng mga mananamapalatayang kasama natin sa ating simbahan ay aming mabigyan ng tamang aral at maipahayag sa kanila ang iyong magandang balita,” bahagi ng mensahe ni Bishop Bagaforo.
Bukod sa pandemya, nararanasan na rin sa buong mundo ang krisis na dulot ng digmaan ng dahil sa pananakop ng Russia sa Ukraine.
Kabilang na ang kakulangan ng suplay ng trigo na pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay, gayundin ang mga krudo na dahilan sa pagtaas ng presyo ng serbisyo at mga pangunahing bilihin.