219 total views
Kapanalig, alam mo na ba ang konseptong “Nature Positive?” Ang nature positive ay isang makabagong konsepto – hindi lamang nito nilalayon na maging net-zero emitters ang mga bansa. Hindi lamang nito nilalayon ang “damage control” mindset ukol sa pangangalaga sa mundo. Sinusulong ng nature positive approach ang tunay na pangangalaga sa ating daigdig – upang ito ay maging resilient, upang yumabong pa ang biodiversity, upang mas dumami pa ang resources nito, at mabawasan pa ang pagkalat ng mga sakit o diseases na maaring magdulot na naman ng pandemya. Ninais nito na ma-restore ang sigla ng ating kalikasan.
Isa mga nilalayon ng nature positive approach ay ang pangangalaga ng ating mga kagubatan. Ang ating bansa, kapanalig ay may land mass na humigit kumulang 30 million hectares. Mahigit sa kalahati nito, mga 52.7 percent, ay mga forestlands. Dahil sa ating mga kagubatan, ang ating bansa ay tinuturing na isa sa mga megadiverse regions – mga lugar kung saan mayabong ang mga tropical forests, kung saan maraming mga uri ng halaman at hayop ang masiglang nabubuhay. Nililinis ng mga tropical forests na ito ang ating hangin. Kinakanlong ng mga ito ang iba-ibang species ng hayop at halaman.
Kaya lamang, ang mga kagubatang ito ay unti-unti ng nawawala – nilalamon na ng mabilis na urbanisasyon pati ng illegal logging sa ating bansa. Ang ating bansa ay isa sa mga severely deforested countries. Kahit pa marami ng batas upang maprotektahan ang ating mga kagubatan, tuloy tuloy ang pagkakalbo nito.
Noong 1934, nasa 17 million hectares ang forest cover ng bansa. Naging 6.8 million na lamang ito noong 2010. Halos hindi na ito nagbabago ngayon.
Ano ba kapanalig ang naging epekto ng pagkakalbo ng ating mga kagubatan?
Isa na dito kapanalig, ay ang baha. Marami ng pag-aaral ang nagpapakita ng ugnayan ng pagkakalbo ng mga kabundukan sa baha sa mga lambak o valleys. Nitong nakaraang mga taon, mas ramdam natin ang ugnayan nito. Noong dumaan ang Bagyong Ulysses, bumaha na naman sa maraming lugar sa Metro Manila at karatig probinsya. Ayon sa mga eksperto, ang patuloy na land-grabbing, exploitation, at illegal logging sa Marikina Watershed at Sierra Madre ang pangunahing mga rason ng pagbaha. Kapanalig, makakaranas ng forest death ang mga kagubatan sa mga lugar na ito kung hindi natin sila bibigyan ng agarang pangagalaga. At sa kanilang pagkamatay, siguradong buhay din ng tao ang madadamay.
Kapanalig, mainam na tayo ay magsimula ng maging “nature-positive,” mula sa polisiya hanggang sa aktwal na pag-gawa. Hindi na tayo dapat magpatumpik-tumpik pa dahil ang epekto ng ating kapabayaan sa ating kalikasan ay nagdudulot na ng malawakang pinsala. Dumating na tayo sa punto ng ating kasaysayan kung saan naniningil na ang Inang Kalikasan.
Tandaan sana natin ang mga kataga ni Pope Francis sa Laudato Si: The human environment and the natural environment deteriorate together. Kapag ating pinabayaan ang kalikasan, pinabayaan na rin natin ang sangkatauhan.
Sumainyo ang Katotohanan.