359 total views
Kapanalig, may magandang trend o uso na nangyayari sa ating bayan ngayon. Napansin mo ba na mas maraming mga kababayan natin ngayon ang nais na mag-camping sa iba ibang nature spots sa ating bayan?
Makikita natin ang trend na ito sa pagsulpot ng pagkarami-raming camping spots sa ating bansa. Kasama sa pagdami nila, ay pag dami rin ng mga bumibili ng mga camping gear sa bayan. Patok na patok ang nature-based tourism industry dahil sa pagsikat ng camping. Siguro mas dama natin ngayon ang sinasabi ni Pope Francis sa Laudato Si: We were not meant to be inundated by cement, asphalt, glass and metal, and deprived of physical contact with nature.
Pero kapanalig, hinay hinay muna sana. Tingnan muna natin kung tayong mga campers na tuwang tuwa sa ganda ng kalikasan ay nagiging mabuti din sa kalikasan. Sana, sa pagtaas ng interes natin sa kalikasan ngayon, kasama din ang pagtaas ng ating interes sa pangangalaga nito. Baka naman sa halip na maging sustainable ang nature-based industry sa bayan, tayo pa ang sumira nito dahil sa mga basurang ating dinadala sa dating mga pristine areas of nature.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), 52,000 na puno ang nawawala sa ating bansa araw-araw. Araw-araw kapanalig! Sana tuwing mag-ca-camping tayo, maalala natin ito. Baka naman sa bawat camping mo, maari kang magtanim ng kahit isang puno?
May mga pag-aaral na nagsasabing ang Pilipinas ang isa sa mga pinaka-deforested na bansa sa mundo. Noong mga 1900s, 21 million hectares ng ating bansa ay mapuno o 70% ng land area ng bansa. Ngayon tinatayang 7.168 million hectares na lamang ang ating forest cover, o 24% na lamang ng ating land area.
Nakakalungkot kapanalig na nawawala na ang ating mga kagubatan kung saan ang mga puno sana ay daantaon o libong tao na o higit pa ang tinagal sa ating mundo. Hindi na ito mapapalitan pero maari tayong magtanim ulit.
Kapanalig, sana ngayong mas marami na tayong nakaka-appreciate sa ganda ng kalikasan, mas alagaan na natin ito. Maari pa nating buhayin ang mga kagubatan kung ating itatanim ulit ito. Hindi man ito gaya ng dati kung saan napakalago ng biodiversity, pero kahit papaano, maibabalik natin ang luntian nating mundo.
Alam niyo kapanalig, there is something about nature that reminds us of the grandeur of God. Ang kalikasan ay nagpapa-alala sa atin kung gaano tayo kamahal ng Panginoon. Kaya nga siguro bumabalik tayo lagi dito, lalo ngayon panahon ng pandemic kung kailan nais nating maradamang hindi tayo nalilimutan ng Diyos. Sana tayo din hindi makalimot, dahil ayon na muli sa Laudato Si: The entire material universe speaks of God’s love, his boundless affection for us. Soil, water, mountains: everything is, as it were, a caress of God.
Sumainyo ang Katotohanan.