77,828 total views
Ipinagpapasalamat ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang biyaya ng muling pagbabalik ng tradisyunal na Traslacion ng Poong Hesu Nazareno makaraan ang ilang taong pagpapaliban dulot ng pandemya.
Pinangunahan ni Cardinal Advincula ang misa sa Mayor para sa kapistahan ng traslacion kasama ang may 300 mga pari na ginanap sa Quirino Grandstand alas 12 ng hatinggabi.
Sa kaniyang homiliya, hinikayat ng pinuno ng simbahan ng Maynila ang lahat ng mga deboto na ipagdiwang ang marubdob, taimtim at pagmamahal sa Panginoon.
Tema ngayong taon ng traslacion ang ‘Ibig kong Makita si Hesus’ na ayon kay Cardinal Advincula ay siya ring hangarin ng bawat mananampalataya.
“Ang tunay na deboto ay modelo. Makikita sa buhay niya ang mismong buhay ni Hesus. Ang deboto ay modelo ng pananalig sa Ama, at pagmamalasakit sa kapwa. Sa bahay man o sa trabaho, sa simbahan man o sa kalsada, dala dala ng deboto sa puso niya ang pagkikita ni Hesus. Nasa kalooban ng deboto ang masisintang pagtitinginan nila ni Hesus kaya’t lagi niyang ipapakita si Hesus.” bahagi ng homiliya ni Cardinal Advincula.
Kaya’t hamon sa bawat isa ang pagninilay ang tatlong aral, ang makita si Hesus, makita ni Hesus at maipakita si Hesus sa lahat ng yugto ng ating buhay.
Sa kaunaunahang pagkakataon sa pagdiriwang ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno-isa sa pinakatanyag ng pagdiriwang sa Pilipinas ay ipinrusisyon ang andas ng poon na nakalagay sa loob ng glass case.
Dakong alas-4 ng madaling araw nang magsimula ang pag-usad ng andas kasama ang daang libong deboto hanggang sa pag-uwi ng Poong Hesus Nazareno sa kaniyang dambana sa Quiapo Church.
Ayon kay Fr. Jun Sescon-rector ng Quiapo Church o ang Minor Basilica and National Shrine of the Black Nazarene, ang kondisyon o ang kalagayan ng orihinal na imahe ng poon ang dahilan kaya’t nagpasya ang simbahan na ilagay sa laminated tampered glass upang mapangalagaan ang imahe. Gayundin ang pagbabawal sa mga deboto na sumampa sa andas.
Simula 1990’s, ginagamit na sa prusisyon ang orihinal na imahe o katawan ng Poong Nazareno kasama ang replica ng ulo at mga kamay.
Ang orihinal na ulo ng imahe na nagtataglay na ng pinsala ay matatagpuan sa altar ng Quiapo at ang kamay naman ay itinago na simula ng ito ay masira.
Plano ng pamunuan ng simbahan ng Quiapo at pagsang-ayon na rin ng Hijos del Nazareno na tipunin ang lahat ng orihinal na bahagi ng Poon at ang Replica image na lamang ang gagamitin sa taunang prusisyon.
Sa kasaysayan ang imahe ng Nazareno ay dinala sa Pilipinas ng Order of Augustinian Recollects taong 1606.