305 total views
Panawagan para sa pagbabalik loob sa Panginoon.
Ito ang paanyaya ni healing priest Fr. Joey Faller sa mga mananampalataya kaugnay sa kinakaharap na novel corona virus.
Ayon kay Fr. Faller ang paglaganap ng sakit ay maaring mensahe ng Diyos sa sangkatauhan ng pagkakaisa at pagbabalik loob sa Diyos.
“Sa pamamagitan po nitong nCoV na amin po ngayong pinoproblema, magkaisa po ang buong mundo na magkaroon ng solusyon na ang mensahe ay pagbabalik loob, pagbabago ng buhay at pagtatangghal sa Diyos bilang Diyos at pangunahing mahalaga sa aming buhay,” bahagi ng panalangin ni Fr. Joey Faller kaugnay na rin sa kapistahan ng Our Lady of Lourdes at pagdiriwang ng World Day of the Sick.
Ayon kay Fr. Faller, ang bawat isa ay hinihikayat na manalangin at magtiwala sa Diyos bilang ating tagapagpagaling at tagapaghilom hindi lamang sa sakit ng katawan kundi maging ng kaluluwa.
“Iligtas N’yo po kami sa novel corona virus. Sana po ay tunay nang malupig ang novel corona virus ng Iyong dakilang pag-ibig, wagas at dalisay na pananampalataya ng sambayanang Filipino at ng buong mundo,” ayon pa kay Fr. Faller.
Nawa ang sakit na ito ay maging daan para sa pagkakaisa ng mundo para sa paghahanap ng lunas gayundin ang pagbabalik ng Pananampalataya sa panginoon.
Sa kasalukuyan ay aabot na sa isang libo ang nasawi dulot ng nCoV habang may 50 libo na ang nagtataglay ng sakit na nagmula sa Wuhan, China.
Tinatayang may 30 bansa na sa iba’t ibang panig ng mundo ay naitalang nagtataglay ng nakamamatay na sakit.