3,183 total views
Umabot na sa higit 19-libong pamilya ang apektado ng bagyong Goring na huling namataan sa silangang bahagi ng Aparri, Cagayan.
Batay sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), higit 63-libong indibidwal ang naapektuhan ng sama ng panahon, kung saan halos 25-libong indibidwal ang nananatili sa 154 evacuation centers.
Ayon kay Office of Civil Defense administrator at NDRRMC executive director Undersecretary Ariel Nepomuceno, patuloy na nakikipag-ugnayan ang OCD sa Regional DRRM offices at iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang paghahatid ng tulong sa mga apektado ng bagyo.
“On the part of OCD, as the executive arm of the NDRRMC, we continue to monitor the situation and coordinate response operations. We have activated the emergency preparedness and response or the EPR protocols in various regions. These are prescribed measures that need to be taken in the areas. Also, the National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)’s response clusters, led by different agencies, were activated.” ayon kay Nepomuceno.
Sa kasalukuyan, wala pang naitatalang nasawi ang NDRRMC mula sa pananalasa ng bagyong Goring.
Patuloy na pinapaalalahanan ng ahensya ang publiko na manatiling handa sa anumang panganib, at sundin ang mga babala at abiso mula sa mga kinauukulan hinggil sa bagyo.
Batay sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang hapon o gabi ng Huwebes ay lalabas na ng PAR ang Bagyong Goring, habang binabantayan din ang isa pang sama ng panahon na may international name na Haikui, at tatawaging bagyong Hanna kapag pumasok na ng PAR bukas ng hapon.
Katuwang naman ng NDRRMC ang mga Diocesan Social Action Centers ng Northern Luzon para sa mabilis na pagtugon sa mga apektado ng bagyo.