438 total views
Umabot na sa higit 20-katao ang naitalang nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Agaton sa Eastern Visayas at ilan pang mga rehiyon sa Mindanao.
Ayon kay Mark Timbal, spokesperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) patuloy pa rin ang isinasagawang assessment ng ahensya upang malaman ang kalagayan ng mga nasalanta at mga napinsala ng bagyo.
Sa tala ng NDRRMC, halos 100 na ang bilang ng mga nasirang bahay habang aabot na sa humigit-kumulang P900,000 ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura.
“So far, the initial report na natanggap po namin, 91 houses were damaged because of Agaton and may damage to crops na po tayo, initially computed at almost 900,000. So once the other regions send their damage assessment, posible pong tumaas pa ‘yung ating mga figures na ito,” pahayag ni Timbal sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi pa ni Timbal na nasa 23 na ang kasalukuyang bilang ng mga nasawi habang anim na indibidwal pa ang pinaghahahanap dulot ng pagguho ng lupa at pagkalunod sa bahagi ng Baybay, sa Leyte.
“Makipagtulungan po tayo sa ating mga local government units at kung tayo naman po ay nakatira doon sa mga danger prone areas, kapag sinabi po na kailangang mag-evacuate, tumalima po tayo sa kautusan po na ‘yan,” ayon kay Timbal.
Nasa 96,000 naman ang apektadong pamilya o 140,000-indibidwal ang mga nagsilikas mula sa Bicol Region; Western, Central, at Eastern Visayas Region; Northern Mindanao; Davao Region; CARAGA; SOCCSKSARGEN; at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).