170 total views
Isa sa mga isinasaalang-alang ng publiko sa panahon ng sakuna ang posibilidad ng COVID-19 transmission lalo na sa mga evacuation centers.
Ito ang sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal hinggil sa mga nararanasan ngayon sa pagpapalikas sa mga residenteng apektado ng mga sakuna partikular na ang bagyo.
Ayon kay Timbal, nitong nanalasa ang bagyong Maring sa bansa lalo na sa Hilagang Luzon, karamihan sa mga tao ang nag-alinlangang magsilikas dahil sa pangambang mahawaan ng COVID-19 habang nasa loob ng mga evacuation centers.
“Matindi pa rin ‘yung concern talaga ng tao when it comes to covid-19. Kasi half of the evacuated population opted to stay doon sa mga kamag-anakan nila, not in evacuation centers. Ibig sabihin, some people are still concern na baka magkasakit sila with covid-19 ‘pag nasa evacuation center. And this also translate dun sa hesitance din nung iba nating kababayan na mag-evacuate,” pahayag ni Timbal sa panayam sa Barangay Simbayanan.
Kaugnay nito, tinitiyak naman ng NDRRMC ang kaligtasan ng mga tao laban sa sakuna at COVID-19 transmission sa simula pa lamang ng paglikas hanggang sa maihatid sa evacuation centers ang mga higit na apektado.
Dagdag pa ni Timbal na sa ganitong sitwasyon, maaaring magsagawa ng COVID-19 procedures ang mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong residente laban naman sa virus.
“Pagdating sa evacuation center, doon the local government units can implement antigen testing, rapid testing para ma-check nila kung mayroon nga pong may sakit na possible na COVID-19… Tapos ‘pag nandun na ‘yung mga tao, continuing ang health monitoring para agad na ma-isolate at contact tracing,” saad ni Timbal.
Ang Bagyong Maring ang ika-13 bagyong pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong taon at nakaapekto sa humigit-kumulang 160,000-pamilya sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas at Caraga Region.
Samantala, naitala naman ng Department of Health ang 4,405-panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan aabot na ngayon sa 57,763 ang kabuuang bilang ng aktibong kaso nito.
Habang umabot na sa 2,661,602 ang kabuuang bilang ng mga gumaling at 41,942 naman ang bilang ng mga nasawi dulot ng virus.