285 total views
Isa sa mga nakakapag-bigay buhay at pag-asa sa ating bayan ngayon ay ang biglaang pagdami ng mga Filipinong buong-tapang na nagnegosyo ngayong 2020. Dahil man sa kawalan ng trabaho o dahil sa mas maraming oras dahil nabawasan ang trabaho, isang malaking sorpresa ang dami ng mga kababayan nating namuhunan ngayong taon para sa online business.
Bago magkapandemya ngayong 2020, nasa 1,700 online business lamang ang naka-rehistro sa ating bayan. Nitong Setyembre, nasa 75,000 na ito. Kapanalig, kailangan nating pangalagaan ang paglagong ito upang tuluyan pang tumaas at mas matulungan pa ang maraming Filipino. Para magawa ito, kailangan nating magapi ang ilang mga hadlang sa maliitang online negosyo sa ating bayan.
Unang una, kailangan maisa-ayos ng bayan ang internet connectivity sa ating bansa. Sa ngayon, malaki na rin ang pinagbago ng bilis ng internet sa bayan. Ayon sa National Telecommunications Commission, umaabot ng 262.7 percent ang improvement sa internet speed ng bayan, kaya lamang mas mabagal pa rin ito sa ating mga karatig bansa.
Pangalawa, kulang tayo sa polisiya na nagbibigay proteksyon sa online sellers at buyers. Kulang din tayo sa mga regulations. Kulang din ang kamalayan ng marami ukol sa mga batas na umiiral na sumasakop sa online selling, gaya ng e-commerce law.
Isa pang hadlang sa paglago ng online selling ay kakulangan ng maraming mga negosyante sa manpower at resources. Dahil nga online, mabilis ang mga transakyon pagdating sa ganitong uri ng merkado. Mas malawak din ang kanilang nagiging market dahil mas malaki ang reach o naabot ng online selling. Kadalasan, mas marami ang umoorder, kaya’t hirap ang mga negosyante na tugunan ang demand.
Kailangan din mabigyang atensyon ng mga online sellers ang kanilang social protection. Marami sa kanila ang hindi consistent ang SSS contributins, at marami din ang walang health plans. Kaya’t pag nagkasakit sila, mas hirap din ang negosyo nila.
Pahayag ng Mater et Magistra: ang estado at ang mamamayan ay dapat magtulungan upang maging maunlad ang lipunan. Sa puntong ito ng kasaysayan ng bansa, kailangan ng bayan ng bawat isa sa atin upang mapangalagaan ang mga ningas ng pag-asa sa ating paligid ngayong panahon ng pandemya. Isa sa mga pag-asa ito ng maraming Filipino ngayon ay ang online selling. Mapangalagaan sana natin ang bagong uri ng mga mangangalakal sa ating bayan.
Sumainyo ang katotohanan.