202 total views
Tinututulan ng may isang libong mamamayan ng Negros Occidental ngayong araw ika-6 ng Marso, 2019 ang patuloy na banta ng pagtatayo ng mga Coal Fired Power Plant sa lalawigan.
Ayon kay San Carlos Bishop Gerry Alminaza, kasabay ng Miyerkules ng Abo ay ibibigay ng simbahan ang kanilang buong suporta sa mga kabataang nanguna sa pagtitipon.
Inorganisa ng grupong Youth for Climate Hope ang pagkilos na isinagawa sa Provincial Capitol grounds ng Negros Occidental.
Isinagawa din ang “no to coal fired power plant” assembly sa Dumaguete city, Negros Oriental bilang pagpapakita ng pagkakaisa ng mamamayan.
Naniniwala si Bishop Alminaza na isang malaking hakbang ang pagkilos ng mga kabataan para sa kanilang kinabukasan.
Bukod sa suporta, nag-alay ng panalangin at paggabay ang Diocese of San Carlos sa pagkilos ng mga kabataan lalo na ngayong Year of the Youth.
“Sabi nga ng mga youth, we will stand against this because this is about our future, and also it is in honor of those na nagsimula nito noon pa na nag file against coal.” pagbabahagi ni Bishop Alminaza.
Dahil dito, umapela ng panalangin ang Obispo sa mga mananampalataya lalo na ngayong pagsisimula ng panahon ng kuwaresma.
Ayon kay Bishop Alminaza, bagamat hindi makakasama ang ibang mananampalataya sa kanilang pagtitipon ay malakas pa rin ang maitutulong ng panalangin upang magtagumpay ang patuloy na laban ng Diyosesis ng San Carlos sa mga nais sumira sa kalikasan.
Noong 2018, natukoy na 300MW Coal Fired Powerplant ang planong itayo ng SMC Global Power Holdings Corp. sa Negros Occidental.
Mahigpit na tinututulan ng Diocese of San Carlos ang pagtatayo ng coal fired powerplant at isinusulong ang paggamit ng renewable energy.