1,536 total views
Alalahanin ang pagmamahal ng Panginoon para sa sanlibutan upang maipadama ang kalinga sa kapwa.
Ito ang hamon ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa misang iniaalay bilang pagdiriwang Sa Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus sa National Shrine of the Sacred Heart sa Makati City.
Ipinagdarasal ng Cardinal na laging maalala ng mga mananampalataya na kasama nila ang Panginoon higit na sa oras ng pangangailangan, sigalot o sakuna upang iparanas ang kaniyang kalinga.
“Sa gitna ng magulong mundo, inalay ni Hesus ang kaniyang puso bilang tahanan, dinadala niya tayo sa mahigpit na yakap ng Banal na Santatlo,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Iginiit din ng rector na si Fr.Roderick Castro at Ministry member Fr.Roy Bellen ang kahalagahan na isabuhay ng mga mananampalataya ang mga aral na itinuturo ng pagdiriwang ng Sacred Heart.
Tiwala si Father Bellen na hindi manawa ang mga mananampalataya na humingi ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan at pagkululang sa Diyos.
“Anumang pagkakasala na mayroon po tayo, tayo po ay humihingi ng tawad, ng pagpapatawad po ng Diyos at higit sa lahat tayoy kaya niyang yakapin at sabihin na mahal na mahal tayo ng Diyos, siguro po ito ang magandang mensahe ngayon even if we have our shortcomings or failures na never give up on God and never give up on God’s mercy,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Bellen.
Panalangin naman ni Father Castro na naway sa pamamagitan ng Pananampalataya ng mamamayan at deboto ay maging kawangis mg puso ng bawat isa ang Kabanal-banalang Puso ni Hesus.
“Sana yun din ang maging dasal ng bawat Pilipino, ng bawat deboto ng mahal na puso ni Hesus, hilingin natin sa kaniya na matulad ang puso natin sa kaniyang puso, puso na mapagmahal puso na mahabagin, puso na mapagpatawad, palagay ko kapag nataglay narin yung puso na yun ano pa bang hihinging iba? Katulad na natin ang puso ng ating Panginoong Hesus Kristo,” bahagi naman ng panayam ng Radio Veritas kay Father Castro.
Sa pagdiriwang sa kapistahan ay isinagawa ang unveiling ng bagong logo ng National Shrine of the Sacred Heart na binasbasan ni Cardinal Advincula.