794 total views
Naniniwala si Bontoc Lagawe Bishop Valentin Dimoc na makatutulong sa sektor ng agrikultura ang pagsama-sama ng mga magsasaka at magtulungan sa ikatatagumpay ng kanilang hanay.
Inirekomenda ni Bishop Dimoc sa pamahalaan na gawing kooperatiba o cooperative ng mga magsasaka ang National Food Authority.
Naniniwala ang Obispo na malaking tulong sa mga magsasaka ang pagpapautang ng capital upang mapaunlad ang kanilang pagsasaka.
“It seems, farmers can be helped by transforming NFA unto a Cooperative of farmers and lend them the needed capital,” pahayag ni Bishop Dimoc sa Radio Veritas.
Ang tugon ng Obispo ay kaugnay sa kasalukuyang sitwasyon ng mga magsasaka sa bansa na naghihirap bunsod ng mababang farmgate price ng palay dahilan ng pagkalugi ng sektor ng pagsasaka.
Naunang nanawagan sa pamahalaan si Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud na dinggin ang hinaing ng mga magsasaka na labis apektado sa mababang presyo ng palay na bumagsak sa 7 piso ang kada kilo.
Read: Obispo, nanawagan sa pamahalaan na sagipin ang mga magsasaka
Nanindigan ang iba’t-ibang grupo ng magsasaka na ang ugat ng unti-unting pagbagsak ng kanilang sektor ay ang pagsasabatas ng Rice Tariffication Law o malayang pag-aangkat ng bigas.
Iginiit naman ni Bishop Dimoc na ang pagbuo ng kooperatiba ng mga magsasaka sa pamamagitan ng NFA kung saan magtulungan ang kanilang hanay sa pag-ani, paggiling, pamamahagi at pagbebenta ng bigas sa mga retail outlets ay malulutas ang suliranin ng pagsasaka sa bansa.
“Maybe, this will solve the perennial problem of farmers,” ani ni Bishop Dimoc.
Batay naman sa alok ng Department of Agriculture maaring umutang ang mga magsasaka ng 15, 000 piso sa ilalim ng Expanded Survival and Recovery Assistance Program for Rice Farmers o SURE Aid na maaring bayaran sa loob ng walong taon.
Subalit sa pag-aaral na isinagawa ng Bantay Bigas aabot ng 25, 000 hanggang 31, 000 piso ang mawawalang kita ng mga magsasaka kung manatiling mababa ang presyo ng palay kaya’t walang sapat na kakayahan ang mga magsasaka na magbayad sa nasabing pautang.
Gumawa naman ng hakbang ang Simbahang Katolika upang matulungan ang mga magsasaka tulad ng ilulunsad na Joined Hands Global Pack in the Philippines ng Hapag-asa program ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc na direktang bibili ng bigas sa mga magsasaka.