270 total views
Tiniyak ng National Food Authority sa publiko na gumagawa ng hakbang ang ahensya upang matugunan ang suliranin ng bigas sa bansa.
Ayon kay Director Rex Estoperez, tagapagsalita ng NFA, hindi tumitigil ang ahensya sa paghanap ng pamamaraan upang maibalik sa normal ang suplay ng bigas sa mga pamilihan sa abot kayang halaga.
“Gagawin po namin ang paraan, Ilalabas po natin ang lahat [bigas] sa ating mga bodega para at least, maibsan ang pangangailangan ng ating mga kababayan.” pahayag ni Estoperez sa Radio Veritas.
Ikinatwiran ng opisyal na bumuo ng task force ang pangulong Duterte upang siyasatin ang mga bodega ng pribadong negosyante upang matiyak na walang nagtatago ng bigas at nailabas ito sa mga pamilihan para matulungan ang mamamayan.
Sinabi nitong ang aberya sa NFA ay dahil sa pagkakaiba ng pananaw ng NFA Council at pamunuan ng NFA hinggil sa pag-aangkat ng bigas para mapanatili ang suplay nito lalo na sa mga buwang walang inaani ang mga magsasaka sa Pilipinas.
Gayunpaman, binigyang diin ng opisyal na dapat mamagitan ang pamahalaan sa sitwasyong nararanasan ng mamamayan na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Iginiit nito na ang akusasyong hindi nagampanan ng NFA ang mandatong panatilihin ang suplay ng abot kayang halaga ng bigas sa mga pamilihan ay dulot ng iba’t ibang mga dahilan.
Ayon pa ni Estoperez, mayroong 2.2 milyong kaban ng bigas sa mga bodega ng NFA.
Sa turo ng Simbahang Katolika, tungkulin ng pamahalaan na pangunahan ang pagbibigay ng maayos na serbisyo sa bawat nasasakupan kasabay ng pag-unlad ng lipunan.