767 total views
Nanawagan ang National Federation of Sugar Workers (NFSW) sa pamahalaan na sagipin ang pagtulong sa mga sugar farmer ng Pilipinas.
Inihayag ni Butch Lozande – NFSW Secretary General na pabalik-balik na nararanasan ang krisis sa kakulangan ng suplay ng asukal sa bansa.
“Actually yung crisis naman ng sugar is pabalik balik yan, may chronic crisis tong sugar natin dahil import dependent yung ating sugar industry malaki at maraming mga factors kung bakit palaging krisis at kung bakit palaging time to time,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Lozande.
Iminungkahi ni Lozande na nararapat bigyan ng subsidy ang sugar farmers upang maparami ang lokal na produksyon ng asukal sa bansa.
Ayon kay Lozande, hindi makakasabay ang Pilipinas sa produksyon ng asukal ng mga bansang Thailand, Australia, Indonesia at Malaysiya umaabot sa 75 hanggang 85-tonelada kada ektaryang lupain hanggat walang suporta ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga sugar farmers.
“Dehado talaga tayo sa ibang bansa sa usapin ng kompetisyon habang ang mga bansang ito nagiging benefited sila sa production subsidy ng kanilang kaniya-kaniyang gobyerno, tayo naman ay wala, wala tayong production subsidy sa farmers yun pa ngang pinapanawagan natin na 15-thousand (pesos) per hectare or 10-thousand per hectare para man lang mahabol, masagot o masustain ng ating mga farmer especially the small and agrarian reform beneficiaries,” ayon pa sa panayam kay Lozande.
Ang NSFW ay binubuo ng 14-libong sugar farmers mula sa mga lalawigan ng Negros, Batangas at Bukinon.
Pinangangambahan na rin ng Philippine Chambers of Commerce and Industry (PCCI) na magdulot ng krisis ang panibagong pagtataas ng presyo ng mga produkto na asukal ang pangunahing sangkap.
Una ng nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pamahalaan na tugunan ang suliranin na kinakaharap ng mga manggagawa sa sektor ng agrikultura upang hindi maranasan ang krisis sa kakulangan ng suplay ng pagkain.