2,549 total views
August 21, 2020-9:31am
Ikinalulugod ng Diyosesis ng Maasin ang pagpatibay ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa desisyon kaugnay sa lugar na unang pinangyarihan ng Banal na Misa noong 1521.
Ayon kay Bishop Precioso Cantillas, SDB, ang naturang hakbang ay paanyayahang nararapat na magkaisa ang mananampalataya sa paggunita sa pinakamahalagang biyayang kaloob ng Panginoon sa mga Filipino makalipas ang halos limang sentenaryo.
Ang desisyon ng NHCP ayon sa obispo ay nagbibigay linaw din sa usapin ng makasaysayang lugar na pinangyarihan ng unang misa sa bansa sapagkat may ilang nagsasabing naganap ito sa Butuan Agusan Del Norte.
“The recent reaffirmation of the National Historical Commission of the Philippines (NHCP) on the site of the first recorded Easter Mass celebrated in Limasawa Island should put behind us, Filipinos, the issue on the site of the great event of our Faith, the Eucharist first occurred. This should make all of us united in celebrating the significance of this event, the Real Presence of Jesus Christ, in the Eucharist celebrated in an insignificant island of our country 500 years ago,” pahayag ni Bishop Cantillas sa Radio Veritas.
Nasasaad sa resolusyon ng NHCP noong ika-15 ng Hulyo, kinilala ng ahensya ang Limasawa Island sa Southern Leyte bilang lugar na pinangyarihan ng kauna-unahan at makasaysayang misa sa Pilipinas na pinangunahan ni Rev. Fr. Pedro de Valderrama noong ika-31 ng Marso 1521.
Taong 2018 nang binuo ng NHCP ang grupong magsusuri sa kontrobersyal na usapin ng historic site na pinamunuan ni Historian at National artist Resil Mojares upang tukuyin ang partikular na lugar na pinagdausan ng unang banal na misa.
Lumabas sa pagsusuri ng grupo ni Mojares na hindi sapat ang mga ebidensya at argumento ng Butuan City proponents kaya’t muling pinagtibay ng NHCP ang desisyong pabor sa Limasawa Island.
“This reaffirms God’s special predilection on us, as His people in the Far East of the globe,” dagdag ni Bishop Cantillas.
Ito na ang ikaapat na pagkakataong sinuri at pinag-aralan ng mga eksperto ang “First Easter Sunday Mass” upang malutas na ang nautrang usapin.
Batay sa mga naunang pagsusuri noong 1980, 1995 at 2008, kapwa pabor sa Limasawa Island ang resulta nito.
Suportado ang Mojares panel ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na may sariling grupo ng mga church historians na karamihan ay kasapi ng Church Historian Association of the Philippines.
“The Diocese of Maasin is grateful for the privilege of being the particular Church where the event happened. Diocesan celebrations and projects have been done for the 3-year celebration of the event till 2021,” saad ng obispo.
Malugod ding inaanyayahan ni Bishop Cantillas ang mananampalataya na makiisa sa pasasalamat at pagdiriwang sa kaloob ng Panginoon na pananampalataya sa mga Filipino partikular ang paggunita ng unang misa sa Limasawa Island.