343 total views
Binatikos ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) ang patuloy na implementasyon ng “No-contact Apprehension Policy (NCAP) sa 5-lungsod sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Liberty De Luna, National President ng ACTO na napakataas ang multa na umaabot ng libong piso sa mga Jeepney drivers na lumabag sa polisiya.
Naunang naghain ng petisyon si De Luna kasama ang ibang transport groups sa Korte Suprema na ipatigil ang NCAP na pahirap sa transport sector.
“Kasi huli dito, huli doon yung gagawin nila kawawa naman po mga operators kung ang mga drivers nila ang nagkasala, sila po ang magbabayad dahil sa NCAP ang plate number po nila huhulihin. Masakit dito kapag di mo agad mabayaran sa LGU may multa pa po ito,”dismayadong pahayag ni De Luna sa Radio Veritas.
Iginiit naman ni Ricardo Rebaño – Pangulo ng FEJODAP na dapat magkaroon muna ng pagsasaayos sa polisiya bago ipatupad.
Tinukoy ni Rebaño na hindi tama ang matagal na sistema ng pagpapadala ng Notice of Violations sa mga drivers at operators dahil kadalasan itong natatanggap ng lagpas sa takdang petsa kaya’t lumalaki ang babayarang multa dahil sa penalty fees.
“Dapat lang maitama sa polisiya at yung penalty sobrang laki, yan ang isang problema dahil kung may mahuli, hindi mairerehistro ang sasakyan na malaking kabawasan sa public transport ngayong school opening, pandemic pa ngayon, kung baga ngayon palang bumabangon ang transport,” ayon sa mensaheng ipinadala sa Radio Veritas ni Rebaño.
Sa Metro Manila, aabot sa 60-libo ang kasaping miyembro ng FEJODAP habang 450-libo naman ang kasapi ng ACTO sa buong Pilipinas.
Ang NCAP ay ipinatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong 2020 na ginagamit ang Closed-circuit television (CCTV) upang bantayan ang pagsunod sa batas trapiko ng lahat ng drivers.
Una naring nanawagan ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa MMDA na huwag ng idamay ang mga Public Utility Vehicles sa pagpapairal ng polisiya.