291 total views
Hinimok ni Father Anton Pascual, Pangulo ng Radyo Veritas at Executive Director ng Caritas Manila ang mga mananampalataya na maging mabuting taga-pangalaga ng Panginoon sa pamamagitan ng pangingilin ngayong kuwaresma.
Hinikayat ni Father Pascual ang mamamayan na isabuhay ang adbokasiya ng Radio Veritas na “No Meat Friday”.
Ipinaalala ng Pari na ang hindi pagkain ng karne ay lubos na nakatutulong sa pisikal na kalusugan ng mga tao, maging sa kalikasan at sa ispiritwal na aspeto ng buhay.
“Ating hinahamon ang mga mananampalataya na maging conscious tayo sa ating environment, ethical, spiritual, and physical benefit ng no meat Friday. Ito’y isang napakagandang paraan upang tayo’y maging responsableng stewards, katiwala ng Panginoon… ang mga ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon tulad ng ating katawan, kalikasan, ang mga nilikha ng Panginoon and in one way to become good steward is to take care of them. Itong ating No meat Friday is a powerful habit, spiritual habit to practice good stewardship.” Pahayag ni Father Pascual sa Radyo Veritas
Paliwanag ni Father Pascual, ang hindi pagkain ng karne tuwing biyernes ay isang gawain na nagpapakita ng mabuting pag-aalaga ng tao sa kanyang sarili at sa kanyang kapaligiran.
Samantala, ibinahagi pa ng Pari ang iba pang mabubuting maidudulot ng hindi pagkain ng karne sa mga aspeto ng kalusugan, kalikasan at ispiritwal.
Ayon kay Father Pascual, sa pamamagitan ng pag-iwas o hindi pagkain ng karne ay natututunan ng tao na kontrolin ang kanyang sarili.
Inihayag din ng Pari na mabuti din ito para sa kalikasan dahil mababawasan ang 6 billion tonnes ng greenhouse gases na nagmumula sa mga hayop.
Sa aspeto naman ng kalusugan, ibinahagi ni Father Pascual na 84-porsiyento ng mga chronic diseases na sakit ng tao ay nagmumula sa pagkain ng mga karne ng hayop.
“The healthiest food talaga for humanity is really plant based, more of vegetables, fruits, at ang benefit nito unang-una is spiritual renewal unang-una self-control, para lumakas yung ating self-control laban sa mga temptations of the world. Pangalawa naman Climate change, kase isa sa mga matinding nagco-contribute sa pag-init ng mundo ay ang pagkain ng hayop, yung animal agriculture, kaya we have to reduce our consumption of animals. At syempre alam natin scientifically ang nagdudulot ng sakit sa katawan ng tao, lalo na yung mga chronic diseases 84% ng sakit na chronic ay nang gagaling sa sobrang pagkain ng animal cuisine.” Paliwanag ni Father Pascual.
Umaasa ang pari na kung magagawa ng mga mananampalataya na hindi kumain ng karne tuwing araw ng Biyernes ay maaaring maging bahagi na din ito ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Sa ganitong paraan sinabi ni Father Pascual na mapabubuti din ang pag-aalaga ng mga tao sa hayop na bahagi din sa mga nilikha ng Panginoon na marapat lamang mahalin ng tao.