2,707 total views
Suportado ni Baguio Bishop Victor Bendico ang No Meat Friday campaign upang isulong ang pangangalaga ng kalusugan kasabay ng pag-aayuno at pangingilin ngayong Kuwaresma.
Ayon kay Bishop Bendico makakabuti sa kalusugan ng tao na iwasan ang labis na pagkain ng karne sapagkat nagiging sanhi ito ng iba’t ibang karamdaman.
Ibinahagi ng Obispo ang kanyang obserbasyon sa mga pagdiriwang sa Benguet na ang karaniwang handa ay karne, at kaunti lamang ang gulay na pangunahing produkto ng lalawigan.
Ikinabahala rin ni Bishop Bendico ang mga kaso ng malulubhang karamdaman na karamiha’y ang nakakaranas ay mga kabataan sanhi ng labis na pagkonsumo ng karne.
“Parang naging carnivorous na ang mga tao kahit mga bata pa… Maraming cases dito ng heart attack kahit mga mid-years of their life. So, I support the campaign for health reasons. Ang palaging pagkain ng karne ay nakakasira ng mga internal organs natin at malaking possibilities na mag-develop ng diseases,” pahayag ni Bishop Bendico sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa mga pag-aaral, ang karne lalo ng baboy at baka ay ang pangunahing pinagmumulan ng mga sakit tulad ng sakit sa puso, cancer, Alzheimer’s disease, diabetes, at iba pang chronic diseases.
Kaya naman panawagan ni Bishop Bendico na siya ring chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines—Episcopal Commission on Liturgy, sa mananampalataya na kasabay ng pananalangin ngayong Kuwaresma ay ang pagsasabuhay at pagpapalaganap sa pagkain ng masusustansiyang prutas at gulay.
Maliban dito, nauna nang inihayag ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo na makakatulong ang No Meat Friday sa adbokasiya ng simbahan laban sa epekto ng climate change sapagkat ang animal agriculture ang nangungunang dahilan ng greenhouse gases na nakakaapekto sa temperatura ng daigdig.
Ang No Meat Friday campaign ay pinaigting ng Radio Veritas noong 2011 upang isulong ang pangangalaga sa kalusugan ng tao at kalikasan mula sa epekto ng climate change.