99,438 total views
Mga Kapanalig, ang pag-aaral ng mga bata ang isa sa mga laging naisasakripisyo kapag dumaranas ng problemang pinansyal ang isang pamilya. Kapag nawalan ng trabaho ang pangunahing naghahanapbuhay sa pamilya o may matinding sakit na dumapo sa isang kamag-anak, nagiging paraan ang pagpapatigil sa pag-aaral ng mga estudyante upang makaraos. Masakit ito sa kalooban ng mga magulang, at malaking dagok para sa mga bata.
Malimit itong maranasan ng mga estudyanteng nag-aaral sa mga pribadong paaralan, kung saan sinasabing mas maganda ang kalidad ng edukasyon. Marami sa mga ganitong paaralan ay pinatatakbo ng mga parokya ng ating Simbahan at mga religious orders. Gayunman, ang magandang edukasyon na ito ay may katumbas na malaking halaga. Ang matrikula o tuition fee sa mga pribadong grade school at high school ay maaaring umabot ng hanggang ₱150,000 kada school year. Sa mga pribadong kolehiyo naman, ang average na matrikula ay nasa pagitan ng ₱70,000 at ₱250,000 bawat school year. Hindi pa kasama sa mga halagang ito ang bayad sa mga libro, uniporme, at miscelleneous expenses.
Dahil nakasalalay ang operasyon ng mga pribadong paaralan sa ibinabayad ng mga estudyante, mahigpit sila pagdating sa mga bayarin. Isa sa mga naging kalakaran na ay ang hindi pagpapa-exam sa mga estudyante kapag hindi sila bayád sa kanilang matrikula, na malalaman kung may maipakikita silang permit para makakuha ng pagsusulit.
Mababago na ito sa ilalim ng kapapasá lamang na “No Permit, No Exam Prohibition Act” o ang Republic Act No. 11984. Pinirmahan ito ni Pangulong Bongbong Marcos Jr noong ika-11 ng Marso. Umabot din ng limang taon bago naipasá ang naturang batas. Ang principal author nito sa Senado ay si Senador Ramon Revilla Jr, habang sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, na mas naunang maghain ng ganitong batas, isa sa mga may-akda ay ang ACT Teachers Party-list. Isa nga itong “significant victory for students’ rights and welfare,” ayon Kay ACT Teachers Representative France Castro.
Saklaw ng batas na ito ang lahat ng paaralan at kolehiyo, pati na rin ang mga technical-vocational schools, na nag-aalok ng tinatawag na long-term courses na lampas sa isang taon. Halimbawa nito ang mga pribadong unibersidad kung saan ang mga estudyante ay may kursong umaabot ng apat hanggang limang taon. Hindi na maaaring i-require ang mga mag-aaral na bayaran muna ang kanilang mga financial obligation bago bigyan ng permit para makapag-exam. Papayagan silang mag-exam basta makapagpapasa sila ng promissory note. Ang mga estudyante namang walang pambayad ng matrikula at iba pang school fees dahil sa mga kalamidad, emergencies, at iba pang “justifiable reasons” ay kailangang kumuha ng certification mula sa DSWD. Ang mga paaralang lalabag sa “No Permit, No Exam Prohibition Act” ay papatawan ng DepEd, CHED, at TESDA ng administrative sanctions.
Magandang balita ito, hindi po ba?
Sabi nga ng mga mambabatas na nagsulong nito, hindi dapat maging hadlang ang kakapusan sa buhay sa pagkamit ng mga mag-aaral ng edukasyong kailangan nila upang marating ang kanilang mga pangarap. Sang-ayon ang diwa ng batas sa sinasabi ng Evangelii Gaudium, isang Catholic social teaching, tungkol sa edukasyon. Ang edukasyon ay mahalagang sandigan ng “general temporal welfare and prosperity”—o pangkabuuang kabutihan at kaunlaran ng tao. Dapat lamang na kumilos ang mga nasa kapangyarihan na alisin ang mga balakid sa pagkamit ng edukasyon.
Mga Kapanalig, ganito ang mababasa natin sa Mga Kawikaan 9:9: “Matalino’y turuan mo’t lalo siyang tatalino, ang matuwid ay aralan, lalago ang dunong nito.” Naniniwala tayong bawat isa sa atin—lalo na ang kabataan—ay may karunungang dapat linangin. Ang paglinang dito ay hindi dapat nakasalalay sa kakayahang magbayad para sa mahusay na edukasyon.
Sumainyo ang katotohanan.