769 total views
Kapanalig, ang No Poverty ay Sustainable Development Goals No. 1. Nilalayon nito na iwaksi ang anumang uri ng kahirapan sa lahat ng bahagi ng mundo. Kaya lamang, ang patuloy na pananalasa ng COVID 19 pandemic ay isang malaking hadlang sa ating mithiin na No Poverty.
Ayon sa datos ng United Nations, tinatayang umabot pa ng karagdagang124 milyong katao sa buong mundo ang tinulak sa sukdulang kahirapan o extreme poverty ng COVID 19 pandemic. Pagdating ng 2030, inaasahang magiging 7% ang global poverty rate – sablay sa SDG 1.
Nakakalungkot isipin na ang pinaghirapang kaunlaran ng mga bansa sa loob ng maraming taon ay mabilis na binawi ng pandemya. At mas nakakalungkot isipin na ang paghihirap na nadarama ng marami ay makakasama nila sa mahaba pang panahon dahil na rin sa katagalan ng pandemya.
Ano ba ang maaring gawin ng mga bansa, lalo na gaya nating hirap makawala sa kahirapan? Ayon sa National Economic Development Authority, magiging elevated o mataas pa rin ang unemployment sa bansa at mas maraming Filipino ang maghihirap ngayong paparating na 2022. Dahil dito, magiging mas malakas at mas marami ang pangangailangan para sa social protection, gaya ng ayuda o cash assistance. Pantawid gutom, pantawid buhay ang kakailanganin ng masa.
Kailangan nating ma-improve pa, kapanalig, ang mga social protection measures ng bansa, pati ang paraan ng pag-implement o pagpatakbo nito. Nitong nakaraang ECQ, hirap na hirap pa rin ang gobyerno na ipamahagi ang isang libong piso ayuda. Tapos na nga ang ECQ, pero marami pa rin hanggang ngayon ang hindi nakatanggap nito.
Una sigurong gawin, kapanalig, ay siguraduhing inklusibo ang listahan ng mga benipasaryo ng ayuda o social protection. Hindi tama na ibase ang listahan ng maralita mula sa survey o census na ginawa bago magpandemya. Mas marami ng nadagdag ngayon, kaya’t kailangan mabilang natin sila. Ano pa ang esensya ng ating ayuda kung malaking bahagi ng mamamayang maralita ang hindi makakasama?
Pangalawa, kapanalig: huwag sana nating idamay sa pulitika ang social protection. Ang ayuda ay hindi galing sa bulsa ng pangulo o ng kahit sinumang pulitiko. Ito ay mula sa pinagsamang pera ng mamamayan – buwis na pinaghirapan ng lahat. Ang purpose o layunin ng buwis ay upang isulong ang kapakanan ng lahat. Hindi ito dapat gamiting instrumento ng pang-iimpluwensya o pagpopostura para sa political gains.
Kapanalig, ang kapalpakan ng anumang pamahalaan sa pagbibigay ng social protection sa kanilang mamamayan ay matuturing na krimen – buhay na ang kapalit nito lalo pa’t nasa gitna tayo ng pandemya. Sa atin, habang naghihintay ng isang libong pisong ayuda ang mga mahihirap, bilyong bilyong piso pala ang nakukulimbat sa ating kabang bayan. Kaya’t akma sa ngayon ang paalala ng Gaudium et Spes: Faced with a world today where so many people are suffering from want, individuals and governments must remember: “Feed the people dying of hunger, because if you do not feed them you are killing them.”
Sumainyo ang Katotohanan.