291 total views
Angkop at nararapat na ipatupad ang “no relocation, no demolition policy” sa mga maralitang tagalungsod alinsunod sa Section 28 ng Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act of 1992.
Ikinatuwa ni SILAI o Sikap–Laya Incorporated lead convenor Rev. Fr. Pete Montallana sa binabalak na pagpapatupad ni President elect Rodrigo Duterte na “no relocation, no demolition policy,” sa mga maralitang taga–lungsod.
Ayon kay Fr. Montallana, magbibigay pag–asa at katarungan ito sa mga urban poor sa kapabayaan ng nakaraang administrasyon na pagbibigay kasiguruhan sa mga pabahay sa mga relocaties.
Iginiit pa ni Fr. Montallana na mapapanatag na ang mga maralitang taga – lunsod dahil kabawasan na sa kanilang alalahanin at problema kung tuluyang maipapatutupad ang naturang polisiya.
“Ako’y tuwang–tuwa na si Presidente Duterte ay ipapatupad ‘yung ‘no relocation, no demolition.’ Kasi ito talaga ay makataong pamamaraan at sikapin na dun sa relocation ay may paghahanap buhay ang tao. Kasi karamihan na na-relocate na bumabalik din sa dating lugar at hirap na hirap na nga ang mahirap na makakita na pakakain ay doble–doble pa ang hirap kapag sila ay dinemolish na wala naman talagang maayos na tutunguhan. So we add more suffering to people who are already suffering kaya natutuwa ako diyan sa balita na yan,” bahagi ng pahayag ni Fr. Montallana sa panayam ng Veritas Patrol.
Nasasaad sa RA 7279 Section 28, bago ipatupad ang eviction o demolition sa bisa ng isang court order, ihahanda ng National Housing Authority o NHA kasama ng local government units o LGUs sa loob ng 45 na araw ang relokasyon ng mga idi-demolish na maralitang tagalungsod.
Kapag hindi ito nagawa ng NHA at LGUs ay obligadong bigyan ng financial assistance o tulong pinansiyal base sa daily minimum wage ang mga apekatadong pamilya sa loob ng 60-araw.
Nauna na rito ay matagal ng nagsagawa ng ilang mga pagtitipon ang nasa 300 kinatawan ng mga maralitang taga–lungsod sa pangunguna ng SILAI at Radyo Veritas upang palakasin ang sektor ng mga urban poor sa kanilang karapatan na manirahan sa lungsod.