221 total views
Ikinatuwa ng Sikap – Laya Inc. o SILAI ang pagpapatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ng demolisyon ng tahanan ng mga informal settlers sa buong bansa na sinuportahan rin ng Bise Presidente Leni Robredo.
Ayon kay SILAI lead convenor Rev. Fr. Pete Montallana, hinangaan nito ang naging hakbangin at desiyon ng mga nakatatataas na pinuno ng bansa sa kanilang pagpapahalaga sa kalagayan ng mga urban poor at ipinanawagan ang pagbibigay ng trabaho sa mga ito.
Tumino rin sa pari ang paghanga kay Pangulong Duterte ng banggitin nito na hindi niya hahayaan magkaroon ng demolisyon kung walang maayos na relokasyon at hindi siya papayag na sirain ang bahay ng isang pamilya na parang mga aso kung walang tiyak na pupuntahan.
“I’m very happy and I congratulate the president and the vice – president for their deep love for the poor which is the marginalized sector of our society. Tuwang – tuwa talaga ako and sa tingin ko lang huwag sanang pabayaan na walang hanap – buhay. Good relocation and real kasi tao siya gustong – gusto ko yung sinabi ni presidente na hindi sila aso at yun naman talaga ang turing sa mga mahihirap noon pa,” bahagi ng pahayag ni Fr. Montallana sa panayam ng Veritas Patrol.
Nauna na ring ipinangako ni Housing and Urban Poor Development Coordinating Council o HUDCC chairwoman Vice President Robredo na ipagpapatuloy nito ang pagpapatayo ng 1.4 na milyong desenteng pabahay sa mga mahihirap.
Magugunitang inilunsad ng Radyo Veritas ang SILAI na isa sa mga katuwang ng Simbahan na tumutugon sa pangangailangan ng mga maralitang tagalungsod.