363 total views
Nanawagan ang pinunong pastol ng Diyosesis ng Tagbilaran sa mamamayan para sa malinis at mas ligtas na pagdiriwang ng Pasko ng kapanganakan ni Hesus at pagsalubong ng bagong taon.
Ayon kay Bishop Alberto Uy, dapat iwasan ng mga Filipino ang paggamit ng mga paputok dahil sa masamang epekto sa kalusugan at kapaligiran.
“Let’s have a clean and healthy Christmas and New Year by saying NO TO FIRECRACKERS AND FIREWORKS!” panawagan ni Bishop Uy.
Batay sa pag-aaral ng Department of Health, lubhang mapanganib ang inilalabas na hydrocarbons mula sa mga paputok na humahalo sa hangin sa kalusugan ng tao lalu na sa mga bata, buntis at may hika o asthma.
Sinabi ng DOH ma ang suspended particulate matter (SPM) mula sa fireworks ay magdudulot ng sakit sa lalamunan, ilong at mga sakit sa mata, bukod pa rito ang labis na epekto sa puso, respiratory at nervous system disorders.
Binigyang pansin din ng Obispo ang standard noise level na itinakda ng Department of Environment and Natural Resources para sa mas maayos na kapaligiran na 60 decibel sa araw habang 50 decibel naman sa gabi.
Ang mga fireworks ay aabot ng hanggang 140 decibels ang nalilikhang ingay na mapanganib sa tao na nagdudulot ng problema sa pandinig, pagtaas ng pressure ng dugo at sleep disturbance.
Dahil dito hiling ni Bishop Uy sa mamamayan na iwasan ang mga paputok sa halip ay gumamit na lamang ng ibang uri ng pampaingay sa pagsalubong ng Pasko at bagong taon upang makaiwas sa posibleng aksidente at sa sakit.
Kilala si Bishop Uy na nagsusulong ng malinis na kapaligiran alinsunod sa ensiklikal na Laudato Si ni Pope Francis at para sa kaligtasan at malusog na pangangatawan ng mamamayan.