339 total views
Hinimok ng Climate Change Commission ang mamamayan na iwasan ang paggamit ng single-use plastics at pagsasayang ng mga pagkain ngayong Pasko.
Ayon kay CCC Commissioner, Attorney Rachel Anne Herrera, dahil sa pagluwag ng kalagayan ng bansa ngayong pandemya, nagbabalik na rin ang mga christmas party na inaasahang makakalikha ng mga basura mula sa mga regalo, gayundin ang masasayang na pagkain.
Sinabi ni Herrera na mahalaga pa ring isaalang-alang sa mga pagtitipon ang paggamit ng mga reusable materials na makakatulong upang mabawasan na makadagdag sa lumalalang plastic pollution sa bansa.
“We can avoid buying single-use products as gifts; we can use eco bags for our shopping and grocery; and we can choose reusable cutleries and tumblers sa mga handaan at gatherings,” pahayag ni Herrera sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ng opisyal na maaari namang gawin ang pagbabahaginan at pagsasalusalo sa halip na magkakahiwalay na pagkain dahil ito ang mas nagiging sanhi ng pagsasayang ng pagkain at pagdami ng food wastes.
“We can go for meal sets instead of boxed meals to minimize food and packaging waste and we can share food imbis na masayang at itapon,” saad ni Herrera.
Paalala naman ni Herrera na patuloy pa ring sundin ang minimum health protocols sa mga pagtitipon upang mapanatili ang kaligtasan sa banta ng COVID-19 transmission.
Samantala, patuloy din ang simbahan sa pagtataguyod ng makakalikasang pagdiriwang ng Pasko ng pagsilang ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa kapakanan ng inang kalikasan na ating nag-iisang tahanan, gayundin ang pag-aalala sa mga higit na apektado ng mga sakuna.