1,230 total views
Naniniwala ang Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education na mas nakabubuti ang pagpapasuot ng uniporme sa mga estudyanteng papasok ng paaralan.
Ayon kay San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, chairman ng komisyon, mas makatitipid ang mga magulang ng mga estudyante kumpara sa nais ipatupad ni President elect Rodrigo Duterte na “no uniform policy” sa mga paaralan.
Paliwanag pa ni Bishop Mallari, mas mahirapan ang mga awtoridad na tiyakin ang seguridad ng mga paaralan kung hindi nakasuot ng uniporme ang mga bata.
“Hindi ko alam kung ‘yung idea niya lang du’n ay makatipid ‘yung mga magulang. Para sa akin, kapag naka–uniporme ka, mas nakakatipid ka. May mga alam akong estudyante na minsan dalawa o tatlo lang ‘yung uniforms, pinapalit – palitan lang ‘yan. It is not really a big deal du’n sa gastos ng uniform,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mallari sa panayam ng Veritas Patrol.
Iginiit pa ng obispo na ang uniporme ng isang paaralan ang siyang “identity” ng isang institusyon.
“Ako, personally, kasi ‘yung identity kasi ng schools kinakailangan ding i–maintain. Kung kailangan talaga ‘yung salitang makatipid siguro mahalaga ‘yung mas mura lang ‘yung gastos ng uniform. ‘Yung not totally expensive,” giit pa ni Bishop Mallari sa Radyo Veritas.
Nabatid na 23-milyon estudyante sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa bansa ang nagsisimula ng klase noong school year 2015-2016.