346 total views
Nangangamba ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na maging negatibo ang epekto ng pahayag ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III.
Tinukoy ng grupo ang pahayag ng kalihim na maaaring ipatupad ng mga may-ari ng establisyimento ang mandatory vaccination sa kanilang empleyado upang muling makapagbukas alinsunod sa Inter-Agency Task Force (IATF) Resolution No.138 na ipinatupad noong ika-siyam ng Setyembre 2021.
Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, ang pahayag ay maaaring magamit ng mga employers upang patuloy na hindi magbayad at palawigin ang floating status ng kanilang mga empleyado.
“The Trade Union Congress of the Philippines is warning of further joblessness, underemployment among workers with Labor Secretary Silvestre Bello III’s insistence that alert level 3 guidelines could allow employers to put on furlough and floating statuses unvaccinated employees without pay,” pahayag ni Tanjusay sa panayam ng Radio Veritas.
Nangangamba rin si Tanjusay na maaari ring magdulot ang pahayag ng pagkalito at hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga employers at manggagawa dahil na rin sa pagiging salungat nito sa pahayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kailanma’y hindi batayan ang vaccination status upang makapagtrabaho ang mga manggagawa.
Karagdagang suliranin din ang pahayag ng kalihim sa panig ng mga mamamayang naghahanap ng trabaho ngunit hindi pa rin nakakapagpabakuna dahil sa limitadong suplay ng COVID-19 vaccine.
“Right now, Mr. Bello’s distraughtful interpretation of the guidelines is causing fear, demoralization, confusion and unrest among unvaccinated workers particularly those who are willing to be vaccinated yet could not access the inadequate supply of vaccines,” ayon kay Tanjusay.
Nananawagan din ang TUCP kay Secretary Bello upang maging mas malinaw ang mga patakarang susundin ng mga manggagawa at mga business owners gayundin ang magkaroon ng talakayan sa National Tripartite Industrial Peace Council (NTIPC) upang makalikha ng mas maayos na panuntunan hinggil sa usapin.
“The TUCP is urging the Secretary of Labor to call and convene the tripartite National Tripartite Industrial Peace Council (NTIPC) where a viable interpretation of the particular guidelines can be worked out between labor and business representatives,” panawagan ng tagapagsalita ng ALU-TUCP.
Samantala, bagama’t naniniwala ang Simbahang Katolika na mahalaga ang pagpapabakuna laban sa COVID-19, hindi naman ito dapat maging hadlang sa karapatan ng mga manggagawa sa pagkakaroon ng hanapbuhay lalu na ngayong umiiral ang krisis dulot ng pandemya.