675 total views
Nakahanda na ang pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa pagsisimula ng nobenaryo sa Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Ika – 30 ng Disyembre isinagawa ang tradisyunal na pagbihis sa imahe sa dambana ng basilica. Sa pagninilay ni Rev. Fr. Danichi Hui, parochial vicar ng basilica, sinabi nitong ang pagbibihis sa imahe ng Poong Nazareno ay tanda ng paghahanda sa isang mahalagang okasyon ang kapistahan sa ikasiyam ng Ika – 30 ng Disyembre
Ibinahagi rin ng pari na ang kulay at disenyo ng kasuotan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ay sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan at paalala sa mananampalataya sa mga sakripisyo ni Hesus para sa kaligtasan ng bawat isa.
“Ang Kanyang damit ay tanda at paalala sa atin. Ang kulay pulang kasuotan ay pagpapakita ng pag-ibig habang ang mga bulaklak at dekorasyon ay paalala ng Kanyang pasyon, paghihirap at pagpapakasakit alang-alang sa sangkatauhan,” pagninilay ni Fr. Hui.
Ayon sa pari, ang mga palamuti sa kasuotan ng Poon ay maituturing na elemento ng pananampalataya upang mapaalalahanan ang bawat isa sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa tao. Pinaalalahanan pa ni Fr. Hui ang mga debotong dumalo sa pagdiriwang na bagamat may mga pagbabago sa traslacion ngayong taon, hindi pa rin nababago ang sentro ng pagdiriwang ang pagbibigay pugay kay Hesus na nagpakasakit para sa sanlibutan.
Sinabi pa nitong dapat magpasalamat ang mamamayan sa biyayang kaloob ng Panginoon sa kabila ng paghihirap na dinaranas bunsod ng pandemya. Ika – 31 ng Disyembre magsisimula ang nobenaryo sa Poong Nazareno at magtatapos sa ikawalo ng Enero habang tuloy-tuloy na misa pasasalamat naman sa araw ng kapistahan sa ikasiyam ng Enero.