817 total views
Manila,Philippines– Kabalintunaan ang pahayag ni Oriental Mindoro Rep.Reynaldo Umali na maraming Catholic schools ang sumusuporta sa death penalty bill na mabilis na ni-railroad sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa pamba-braso ng pamunuan nito.
Ika-8 ng Marso ganap na alas-dose ng tanghali, sabay-sabay na nagsagawa ang mga Catholic school ng “#NoiseForLife, noise barrage nationwide”.
Ang sabay-sabay na “#NoiseForLife” ay isinagawa sa mga paaralan ng Ateneo de Manila University, Assumption school, Dela Salle University schools, Good Shepherd schools, St.Joseph school, San Beda College at Miriam College.
Layunin ng nationwide noise barrage na pinangunahan ng iba’t-ibang student council, mga guro at pamunuan ng mga Catholic schools na igiit ang matinding pagtutol sa death penalty at patuloy na pagtaas ng extra-judicial killings sa bansa dahil sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Sa panayam ng Radio Veritas, nilinaw ni Ateneo de Manila University President Father Jose Ramon “Jett” Villarin na ang sama-samang pagkilos ng mga estudyante ay patunay ng kanilang matinding pagtutol at pagkondena sa death penalty bill na hindi solusyon sa krimen at kawalan ng kaayusan sa bansa.
Bagamat dismayado, umaasa si Father Villarin na ang mga Senador ay makikinig sa kanilang konsensiya,pakinggan ang tinig ng Panginoon, boses ng lipunan at timbangin sa kanilang loob ang tawag ng panahon.
“Malinaw na malinaw na tinututol ng mga estudyante ang pagbalik ng death penalty. Hindi ito ang solusyon sa krimen at kawalan ng kaayusan sa dito ating lipunan.Gagawin namin ang makakaya Sa senado.Umaasa kami na ang ating mga Senador ay makikinig sa kanilng konsensya, hindi lamang sa kanilang mga paaralan. Pakinggan ang tinig ng Diyos, ng lipunan, at kanilang timbangin at kilatisin sa kanilang loob kung ano ang tawag ng panahon. Dagdag na kamatayan ay hindi solusyon sa nangyayari ngayon sa ating liunan”.pahayag ni Father Villarin sa panayam ng Radio Veritas
Sa isinagawang noise barrage, nanawagan din si dating Commission on Human Rights chairperson Etta Rosales sa mga Senador na ipakita ang tunay na makataong paninilbihan sa taumbayan sa pamamagitan ng pagbasura sa death penalty bill sa Senado.
Sinabi ni Rosales na nasa kamay na ng mga Senador ang kasaysayan ng katarungan at pagmamahal sa buhay.
Nauna rito, binatikos ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pagbibigay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa estado ng kapangyarihang pumatay sa pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa sa House Bill 4727.
Read: http://www.veritas846.ph/license-to-kill/
(Romeo Ojero)