194 total views
Kapanalig, nagiging matunog ang usapin ukol sa mga non-regular workers ngayon. Sino nga ba sila at ano ang kanilang sitwasyon?
Base sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), umaabot ng 1.336 million ang mga non-regular workers sa mga establisiyemento na may 20 o higit pang empleyado. Ito ay katumbas ng 29.9% ng kabuuan ng establishment workforce na umaabot naman ng 4.472 million. Tumaas ito ng 16.35% mula 2012.
Ayon pa sa PSA, kalahati ng mga hindi regular na manggagawa ay mga contractuals o project-based. Base sa depinisyon ng ahensya, ang contractuals ay yaong ang trabaho ay “fixed” o nakatalaga para isang proyekto o gawain. Alam na agad kung kailan matatapos ito at siyempre kung hanggang kailangan ang empleyado.
Ang pinakamalaking bilang ng mga contractual na manggagawa ay ang mga construction workers. Tatlo sa limang empleyado ng mga establisiyemento na may 20 pataas na bilang ng empleyado ay mga di regular contractual construction workers. Sa agrikultura at pangingisda pati na rin sa manufacturing, dalawa sa limang empleyado ay hindi din regular.
Alam niyo kapanalig, nagiging mas masidhi ang pangangailangan ng mga di–regular na empleyado ngayon kasi magpapasko. Karamihan sa mga kontrata kasi nila ay nagtatapos bago dumating ang buwan ng disyembre. Sinasabi ngang talamak ang “5-5-5” sa iba-ibang industriya sa atin. Ang 5-5-5- ay ang endo ng kontrata pagkatapos ng limang buwan, at ang muling pagkuha sa kanila para sa isa na namang limang buwang kontrata.
Sa parte ng mga manggagawa, ang ganitong sitwasyon ay nagdadala ng malaking inseguridad, lalo pa’t ang kanilang mga trabaho ay hindi naman kataasan ang sweldo. Ang kanilang kita ay sapat lamang, o minsan kulang pa. Ang pag-iimpok para sa mga araw o linggo o buwan na bakante ay hindi nila magawa. Hirap din makahanap ng trabaho na may tenure ang mga manggagawa dahil unang una, mas talamak ang praktis ng contractualization. Pangalawa ang bawat araw sa trabaho ay mahalaga dahil ito ay nangangahulugan ng kita-kita na hindi dapat mawaglit dahil kailangan ng pamilya.
Ang contractualization kapanalig, ay isang praktis na hindi nakatingin sa buhay at dangal ng manggagawa. Para sa maraming contractual workers, ang gawaing ito ay hindi nagbibigay importansya sa tao, kundi sa trabaho at kita lamang.
Ang Panlipunang turo ng Simbahan, kapanalig, ay hinihimok tayong tunay na pagmasdan ang mangagawang Pilipino: banat na banat ang buto at tuyo na ang luha dahil sa hirap ng buhay. Ayon nga sa Laborem Excercens: Nais nilang maramdaman na nagtatrabaho sila para sa kanilang sarili at pamilya—ngunit ang kamalayang ito ay natatabunan ng ating sistema na ginagawa silang animo’y piyesa na lamang ng makina na pinapatakbo ng mga may kapangyarihan. Kapanalig, kung tayong lahat ay kawangis ng Diyos, nararapat bang ganito ang sitwasyon ng manggagawa?