105,569 total views
Mga Kapanalig, bilang reaksyon sa pagboboluntaryo ng kanyang mga tagasuporta para protektahan siya matapos bawasan ang kanyang mga police escorts, sinabi ni Vice President Sara Duterte: “Huwag kayong mag-alala sa akin at hindi ninyo kailangan mag-ambag ng pera para sa security ko. Ang pagtatrabaho sa pamahalaan ay pag-alay ng buhay para sa bayan.”
Kung gagamitin natin ang sikat na salitang ginagamit ng kabataan ngayon, aba’y “nonchalant” naman pala si VP Sara. Kalmado. Cool lang. Hindi natitinag.
Noong July 22, araw ng ikatlong SONA ni Pangulong BBM, sinabi ng bise presidente sa isang statement na ni-relieve o inalis ng Philippine National Police (o PNP) ang 75 na tauhan nito mula sa kanyang security group. Dahil dito, nasa 320 na security personnel na lang ang nakabantay sa kanya para sa seguridad.
Hindi ito kakaunti, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla. Sa katunayan, mas marami pa siyang bodyguard o security personnel kaysa sa mismong pangulo. Sa report ng Commission on Audit noong 2022, lumabas na ang Vice Presidential Security and Protection Group ay may 433 na tauhan. Sila ang pinakamarami sa mga kawani sa opisina ng pangalawang pangulo. Samantala, si dating Vice President Leni Robredo ay nairaos ang anim na taon niyang termino na may security personnel na hindi pa aabot sa isandaan. Sa huling taon nga niya sa puwesto, 78 lang ang nagbabantay sa kanyang seguridad.
Sa pagkakabawas ng bilang ng kanyang security personnel, tinawag ni VP Sara na “clear case of political harassment” ang ginawa ng PNP. Kung sa ibang mahahalagang isyu ay “no comment” ang ating bise presidente, sa pagkakatong ito ay naglabas siya ng apat na pahinang statement. Katakataka raw ang timing dahil nangyari ito pag-pullout ng 75 na pulis sa kanyang opisina pagkatapos niyang mag-resign bilang secretary ng DepEd at ihambing sa isang “catastrophic event” o malaking sakuna ang SONA. Iniugnay din niya ito sa pagkalat ng pekeng video kung saan makikitang nagdodroga diumano si PBBM.
Nagpasaring din si VP Sara na ang banta sa kanyang buhay ay hindi kailangang manggaling sa labas ng gobyerno—pwede rin daw na magmula ito sa loob mismo ng gobyerno. Sinabihan din niya si PNP Chief Rommel Marbil: “…pagdating sa seguridad ng aking pamilya, ako ang magsasabi kung sino ang karapat-dapat, hindi ikaw. Batas ka lang, hindi ka Diyos.”
Teka—gamit ulit ang nauusong expression ng kabataan ngayon—parang “OA” naman na yata ito.
Ang mga lider ng ating bansa ay binibigyan ng pribilehiyong proteksyunan ang kanilang buhay at kaligtasan. Malaki at mabigat din naman kasi talaga ang trabaho at tungkuling kanilang ginagampanan. Pero gaya ng anumang pribilehiyo, hindi dapat inaabuso ang pagkakaroon ng sariling security group, lalo na kung ang ibang mga nasa matataas na posisyon sa gobyerno ay may sapat na bilang lamang ng tagapagbantay. Ang ating kapulisan ay hindi rin dapat nagmimistulang bahagi ng private army ng mga pulitiko—bagay na nangyayari sa maraming lugar sa bansa. Tandaan din sana ng ating mga lider na ang suweldo nila at ng mga tauhan nila ay mula sa taumbayan, kaya may karapatan tayong kuwestyunin ang maling paggastos sa kaban ng bayan.
Mga Kapanalig, lagi nating paalala sa mga nais maglingkod sa gobyerno ang winika ni Hesus sa Mateo 20:27-28: “…kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, ay dapat maging alipin ninyo. Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.” Ang pagiging lider ay katulad ng pagiging pastol ng taumbayan, at ang pangunahing sandata ng pastol, minsang sinabi ni Pope Francis, ay kababaang-loob o humility—hindi armas, hindi daan-daang tagasalág ng bala.
Sumainyo ang katotohanan.