493 total views
Mga Kapanalig, kinagabihan ng ika-4 ng Marso, naglabas ng pahayag si Dumaguete Bishop Julito Cortes ukol sa pagpaslang sa gobernador ng Negros Oriental na si Governor Roel Degamo at siyam na iba pa. Nakiusap siya sa mga mananampalataya sa diyosesis na ipagdasal ang mga pinatay at ang kanilang naulilang mga pamilya. Kinundena ng obispo ang walang saysay na pagpatay sa probinsya. Tanong niya: paano natin makakamit ang pangmatagalang kapayapaan kung nagpapatuloy ang kultura ng karahasan sa Negros Oriental? Kailan matutuldukan ang tila walang katapusang pagpatay?
Magtatanghali ng araw na iyon nang binaril si Governor Degamo sa kanyang bahay sa bayan ng Pamplona sa Negros Oriental. Habang kinakausap daw ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya sa kanilang lugar, dumating ang isang grupo ng mga armadong lalaki naka-full battle gear. Pagkapatay sa gobernador at ilan pang sibilyan, agad na tumakas ang anim hanggang sampung suspek. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis at paghahanap sa mga suspek. Inihatid naman na sa huling hantungan ang gobernador.
Pinagtibay noong nakaraang buwan lamang ng Korte Suprema ang proklamasyon ni Degamo bilang gobernador ng probinsya. Ito ay matapos ibasura ng korte ang petisyon ng kanyang kalaban noon na si Pryde Henry Teves laban sa Commission on Elections (o Comelec) na ibinilang ang mga boto ng isang nuisance candidate kay Governor Degamo. Tumangging umalis sa puwesto si Teves. Away pulitika ang isa sa mga sinisilip na motibo sa pagpatay sa gobernador ng Negros Oriental.
Dagdag si Governor Degamo sa humahabang listahan ng mga pulitikong inatake sa ating bansa, at siya ang ikatlong pinaslang mula noong eleksyon ng 2022. Pebrero din ngayong taon nang atakihin si Governor Mamintal Adiong ng Lanao del Sur. Sa buwan ding iyon, binaril at napatay ang bise-alkalde ng Aparri, Cagayan na si Rommel Alameda.
Matatandaan ding naging laman ng mga balita ang mga patayan sa Negros Oriental noong 2019. Sa ilalim ng tinatawag na Oplan Sauron ng PNP, ilang buwang dumanak ang dugo sa probinsya. Tinugis noon ng mga pulis ang anila’y mga kasapi ng New People’s Army na inuugnay nila sa kriminalidad at paglaganap ng droga roon. Hindi pa man nakakaanim na buwan ang Oplan Sauron, dalawampung katao na, kabilang ang isang abugadong tumutulong sa mga nangangailangan, ang binawian ng buhay.
Tama si Bishop Cortes, isang kultura ng karahasan ang bumabalot sa Negros Oriental. At ang tanong niya ay tanong din natin: kailan ito matatapos?
Katulad nga ng nakasaad sa Mga Kawikaan 13:2, “Ang ninanasa ng masama ay puro karahasan.” Wala nang iba kundi kasamaan ang nasa likod ng karahasan—karahasang buhay ang maaaring maging kapalit. At walang lugar sa isang makataong lipunan ang paggamit ng karahasan, lalo na kung ito ay upang pagtakpan ang mali, upang manatili sa kapangyarihan, o upang pairalin ang baluktot na mga pananaw. Kung tunay nating pinahahalagahan ang ating buhay at ang ating bayan, hindi natin gagamiting kasangkapan ang karahasang sumisira ng buhay at sumisira sa lipunan. Paalala nga si Pope Paul VI, kung gusto natin ng kapayapaan, maging makatarungan tayo.5 Kaya tanungin natin ang ating mga sarili: ano ang ninanasa natin para sa ating pamilya? Tanungin natin ang ating mga lingkod-bayan: ano ang ninanasa nila para sa ating bayan?
Mga Kapanalig, hinihiram natin ang mga salita ni Dumaguete Bishop Cortes: nawa’y magtulungan ang kinauukulan upang mabilis na mabigyang-katarungan ang pagkakapatay kay Governor Degamo nang sa gayon ay matamo nila ang kapayapaan at katarungan sa Negros Oriental. Ito rin ang hangad natin para sa iba pang biktima ng karahasan upang hindi na maging normal sa ating bansa ang walang saysay na pagpatay.
Sumainyo ang katotohanan.