3,234 total views
Umaasa ang arsobispo ng Archdiocese of Nueva Segovia na magdulot ng malagong bokasyon ng mga lingkod ng simbahan ang ginanap na Northern Luzon Clergy retreat.
Ayon kay Archbishop Marlo Peralta kinakailangan ng mga pari ang regular renewal upang mas mapaigting ang ugnayan sa Panginoon na makatutulong sa gawaing pagpapastol.
“Maging magandang bunga itong regional retreat namin makatutulong sa amin itong mapalago ang aming relasyon sa Panginoon para sa ganoon lalago rin ang relasyon namin sa mga tao.” pahayag ni Archbishop Peralta sa Radio Veritas.
Hamon ng arsobispo sa mga paring dumalo sa limang araw na pagtitipon simula July 31 na maipadama sa nasasakupang kawan ang bunga ng mga pagninilay at magiging daan upang higit mailapit ang tao sa Panginoon.
Pinangunahan ni missionary priest Fr. Chris Alar, MIC bilang retreat master ang pagtitipon sa Our Lady of the Atonement Cathedral sa Baguio City na magtatapos sa August 4, 2023 sa kapistahan ni St. John Mary Vianney.
Si Fr. Alar ang Provincial Superior ng Blessed Virgin Mary, Mother of Mercy Province of the Marian Fathers of the Immaculate Conception sa Estados Unidos na may akda sa tanyag na ‘Divine Mercy 101’ at ‘Explaining the Faith’ DVD series gayundin sa aklat na ‘After Suicide: There’s Hope for Them and for You.
Humigit kumulang sa 1, 000 mga pari mula sa mga Arkidiyosesis ng Lingayen-Dagupan, Nueva Segovia, Tuguegarao gayundin ang mga Diyosesis ng Alaminos, Baguio, Bangued, Bayombong, Ilagan, Laoag, Urdaneta, San Jose Cabanatuan, Prelatura ng Batanes, Tabuk Kalinga, Vicariate ng Bontoc Lagawe.
Ang Northern Luzon Clergy Retreat ay unang isinagawa noong 2018 at ginaganap tuwing ikalawang taon na layong magbuklod sa pagninilay ang mga pastol ng simbahan para sa pagpapaunlad ng bokasyon at misyon.