193 total views
Bagama’t suspendio ang usapang pangkapayapaan sa pagitan nang pamahalaan at nang New Peoples’ Army (NPA) ay hindi pa naman ito tuluyang tinatalikuran ng gobyerno.
Ito ang nilinaw ni Atty. Rene Sarmiento – member of the GRP Panel for Peace Negotiations sa CPP-NDF-NPA lalu’t nanatili pa rin peace panel.
Sinabi ni Sarmiento, patuloy pa ring umiiral ang Joint Agreement on Safety Immunity Guarantees (JASIG) na naggagarantiya na maari pa ring gumalaw at kumilos ang consultants ng CPP-NDF-NPA nang hindi hinuhuli ng mga otoridad.
“Suspended po ang peace talks ngayon pero hindi naman po naputol, hindi naman binuwag yung peace negotiation suspended lang po yung peace talks, unang una dahil yung JASIG yung Joint Agreement on Safety Immunity Guarantees na kung saan naggagarantiya na pwede gumalaw at kumilos po yung consultants at hindi huhulihin hindi naman po terminated ng ating Pangulo so nandyan pa rin po yan yung Joint Agreement on Safety Immunity Guarantees wala namang hinuhuli naman po eh so ibig sabihin nakasuspend lang yung pag-uusap…” ang bahagi ng pahayag ni Sarmiento sa panayam sa Radio Veritas.
Nakapagsagawa na ng 5th round ng peace talks ng pamahalaan at ng CPP-NPA-NDF panel na tumutok sa usapin ng social and economic reforms at mas mahigpit na bilateral ceasefire agreement ng magkabilang panig.
Bahagi rin ng binubuong kasunduan ng magkabilang panig ang pagtugon sa demand ng mga rebeldeng grupo na libreng land distribution na kapaloob sa kanilang panukalang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) at pagpapalaya sa mga political prisoners.
Sa tala ng Karapatan (Alliance for the Advancement of People’s Rights) mula sa pinakahuling tala noong May 2016, may aabot sa 500 ang mga itinuturing na political prisoners ang ilegal na inaresto ng pamahalaan.
Una na ng binigyang diin ng Simbahang Katolika na ang usapin ng kapayapaan at pagkakaisa ay dapat na gawing prayoridad maging sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala at pananampalataya ng bawat isa.