717 total views
Pinangunahan ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula ang Solemn Declaration ng National Shrine ng Nuestra Señora de la Inmaculada Concepcion de Salambao sa Obando Bulacan.
Sa homiliya ng Cardinal, hinamon nito ang mananampalataya na pag-alabin ang debosyon sa Mahal na Ina, patatagin ang pananampalataya sa Panginoon sa gabay ng Mahal na Birhen at manindigan sa dignidad ng buhay.
“Kaya naman sa pagparito natin upang magdebosyon sa Mahal na Birhen ng Salambaw maudyukan din sana tayo na tumayo nang may dangal sa buhay. Talikuran natin ang kasalanan at mamuhay tayo bilang mga anak ng Diyos,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Sinabi ni Cardinal Advincula na ang pagkakahirang sa pambansang dambana ay patunay sa buhay na debosyon at pagiging Pueblo Aamante de Maria ng Bayan ng Obando.
“In this National Shrine may our veneration of Mama Mary the lovely Virgen de Salambaw, truly help us to contemplate and reflect God’s presence within us and around us; the enduring, embodied, and empowering presence of our loving and merciful God,” ani ng Cardinal.
Samantala, binasa ni CBCP Assistant Secretary General Father Carlo Del Rosario ang kalatas ng pagkahirang ng simbahan bilang pambansang dambana mula sa CBCP.
Iniabot ni CBCP Vice President Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara ang kalatas kay Malolos Bishop Dennis Villarojo bilang opisyal na deklarasyon ng simbahan na National Shrine.
Ito na ang ikaapat na National Shrine sa Diocese of Malolos at ika – 27 naman sa buong bansa.
Bago ang paghirang at ang Banal na misa, isinagawa ang Liturgical reception para kay Cardinal Advincula kasama sina Bishop Villarojo, Bishop Vergara, Iba Bishop Bartolome Santos Jr at Obando Mayor Edwin Santos.
Pinangunahan din ni Cardinal Advincula ang pananalangin sa Pagtatalaga sa Russia at Ukraine sa Kalinis-linisang Puso ni Maria bilang pakikiisa sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Ang simbahan ng Obando ay tanyag sa tradisyunal na ‘Sayaw sa Obando’ na namimintuho sa tatlong patron na sina San Pascual Baylon, Santa Clara ng Assisi, at Nuestra Señora de la Inmaculada Concepcion de Salambao upang magkaroon ng supling, asawa, bokasyon sa buhay relihiyoso, at matagumpay na hanap-buhay.
Dinaluhan ang pagdiriwang ng daan-daang deboto ng mga patron ng Obando kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, sina Cubao Honesto Ongtioco at Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez.