738 total views
Nagpahayag ng paghanga ang kinatawan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa malalim na pananampalataya ng mga Katoliko sa Diocese of Malolos na nagdiwang ng ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag bilang isang diyosesis.
Ayon kay Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown kahanga-hanga ang mayamang pananampalataya at debosyon sa Mahal na Ina ng mga Katoliko sa Diyosesis ng Malolos na nakaugat na rin sa kultura at paraan ng pamumuhay ng bawat isa.
Pagbabahagi ng Arsobispo, isang karangalan na masaksihan at maging bahagi ng mahalagang paggunita ng ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag ng Diyosesis ng Malolos kasabay na rin ng ika-10 anibersaryo ng Canonical Coronation ng La Virgen Inmaculada Concepción de Malolos na patron ng diyosesis.
Partikular namang inanyayahan ni Archbishop Brown ang bawat mananampalataya na magtungo sa Malolos Cathedral at manalangin sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria para patuloy na paglalim at paglago ng pananampalataya ng bawat isa.
“I was extremely impressed by the richness of the faith of the people in the Diocese of Malolos in this beautiful cathedral which dates back from many hundreds of years but today we celebrated the 60th anniversary of the diocese. The creation of the diocese in 1961 – 1962 which gives us 60 years of Catholic history here as a diocese, but as all of you know the Catholic faith has been here for many centuries and is really permeated the culture of Malolos and you see that in the great devotion of people especially to our Lady under her title of the Immaculate Conception and its beautiful statue in the cathedral which I encourage people to come and see and also pray to Our Lady here in the cathedral to the Our Lady to intercede for them. So it’s a place of great faith and great tradition, I’m happy to be part of the 60th birthday.”pahayag ni Archbishop Brown sa panayam ng Radyo Veritas.
Pinangunahan ni Archbishop Brown ang pagdiriwang ng Diyosesis ng Malolos kung saan bago isinagawa ang banal na misa sa Immaculate Conception Parish Cathedral & Minor Basilica o mas kilala bilang Malolos Cathedral ay isang Civic and Liturgical Reception ang inihanda ng diyosesis para sa kinatawan ng Santo Papa Francisco sa bansa na pinangunahan ni Malolos Bishop Dennis Villarojo.
Sa pamamagitan ng Papal Bull ni Pope St. John the 23rd noong 1961, ang “Christi Fidelium,” isinilang ang Diyosesis ng Malolos kung saan noong ika-11 ng Marso, 1962, ay biniyayaan ng Simbahang Katoliko ng kauna-unahang Obispo ang Malolos sa katauhan ni Bishop Manuel Platon Del Rosario, D.D.
Ang patrong titular ng Diyosesis ng Malolos ay ang Inmaculada Concepcion na ang Dakilang Kapistahan ay ipinagdiriwang tuwing ika-8 ng Disyembre.
Matatandaang ginawaran ng koronasyong kanonikal ang Virgen Inmaculada Concepcion de Malolos noong March 10, 2012 matapos na aprubahan ni Pope Emeritus Benedict the 16th ang paggawad ng karangalang ito sa pamamagitan ng papal bull na inilabas nuong Mayo 11, 2011.