198 total views
By: Norman Dequia
(Unang bahagi)
Kinakalinga ng grupo ng mga madre ang mga indibidwal na biktima ng prostitusyon o tinaguriang mga “Harlots” sa bansa at tinutulungang makabangon sa karanasan.
Ang mga prostituted women o sinasabing mga Magdalene/Babaeng mababa ang lipad ay tinatawag na mga Harlot sa bibliya.
Naniniwala si Sr. Ailyn Binco, Mission Development Coordinator ng St. Mary Euphrasia Integrated Development Foundation, Inc., (the social welfare and development foundation of Religious of the Good Shepherd(RGS) na sa pagkalinga ng mga prostituted women muling maibalik ang kanilang moral at dignidad bilang babae na kabilang sa mga anak ng Diyos.
“Once a woman undergo healing sessions, she regain her dignity and self-worth; she will reclaim that she is a child of God and will realize that God loves her unconditionally,” pahayag ni Sr. Binco sa Radio Veritas.
Sa panayam ng Radio Veritas sa ilang biktima ng prostitusyon sa Makati Red Light District, ikinatwiran ni alyas “Ana” na napilitan itong pasukin ang prostitusyon dahil sa labis na kahirapan.
Aniya, bilang single parent mas binibigyang prayoridad ni ‘Ana’ ang kinabukasan ng anak na mabigyan ng wastong edukasyon para sa magandang kinabukasan.
Dahil sa kahirapan, hanggang First Year high school lamang ang tinapos ni ‘Ana’ at nagtrabaho bilang factory worker subalit bunsod ng kontraktuwalisasyon nawalan ito ng kabuhayan.
Sa panig naman ni alyas ‘Lyn’ kailangan nitong tustusan ang pangangailangan ng pamilya dahil iniwan ito ng kanyang asawa kaya’t nagsusumikap itong maghanap buhay at tanging sa prostitusyon napadpad.
Sa kasalukuyang tala tinatayang humigit kumulang 500,000 ang mga indibidwal na nasa prostitusyon.
Ibinahagi ni Sister Binco na apat na dekada na ang nakalipas ng simulan ng RGS sisters ang Ministry for Women in prostitution bilang bahagi ng kanilang misyon nang maitatag ang kanilang kongregasyon sa Pransya noong ika – 17 siglo.
Binibisita ng mga madre ang mga bar upang kilalanin ang kababaihang biktima ng human trafficking at makagawa ng hakbang na maalis ang mga ito sa prostitusyon.
“We stared our involvement with the women thru getting to know them: bar visit, informal talk, befriending them, inviting them to our centers, providing sessions: establishing personal relationship with them is very effective; they should feel at home and at peace so that they will trust us,” ani ni Sr. Binco.
Kabilang sa mga lugar na tinutungo ng RGS sisters ang Olangapo, Pampanga, Pasay, Ermita, Quezon Ave., Batangas, Cagayan de Oro, Cebu, Makati (P.Burgos area) at sa Baclaran (airport road areas).
Pagbabahagi pa ng madre na sa ilang taong adbokasiya ng kongregasyon katuwang ang mga barangay, health centers para sa hygiene checkup at sa City/Municipal Social Welfare and Development offices, matagumpay itong nailigtas ang mga kababaihan na sa kasalukuyan ay may kanya-kanyang propesyon na sa lipunan.
“For the past years, with God’s grace through healing sessions and capacity building activities, there are already women who are professionals and employed in a humane job; formed gender advocates that act now as peer educator and outreach worker to those women who are still in situations of prostitutions. The struggles are still there, but they are already capacitated on how to handle problems and face life challenges.” pahayag ni Sr.Binco sa Radio Veritas
Ayon naman kay ‘Elone’ dating biktima ng prostitusyon at kasalukuyang volunteer social worker ng RGS at bahagi ng Tingog sa Kasanag sa Cagayan De Oro, mahalagang matulungan ang mga kababaihang ibangon ang kanilang dangal upang maligtas sa mga sakit dulot ng prostitusyon tulad ng HIV/AIDS.
Batay sa tala ng United Nations Program on HIV and AIDS, nangunguna ang Pilipinas sa buong mundo na may pinakamaraming kaso ng HIV/AIDS.
RGS Programs
Para tugunan ang mga pangangailangan ng mga tinaguriang “Harlots”, isinasagawa ng Sts. Peter and Paul Parish ng Makati, sa tulong at gabay ng R-G-S ang MARTHA’S KITCHEN, at ipinapatupad naman ng RGS and mga DROP-IN CENTERS,SHELTER CARE at AFTER CARE Programs.
DROP-IN CENTERS
Ang advocacy campaign na “drop in center” kung saan maaring magpahinga ang mga Harlots at lugar na isasagawa ang counselling at spiritual formations.
SHELTER CARE
Sa Healing naman itinatayo ang Shelter Care – dito pansamantalang maninirahan ang mga rescued prostituted women habang tinutugunan ang kagalingang pisikal, emosyonal at ispiritwal kabilang na dito ang skills training at edukasyon.
AFTER CARE
Habang napapaloob naman sa “after care” ang family reintegration, independent living, job assistance/placement, at educational assistance.
MARTHA’S KITCHEN
Pinalalakas ng RGS nuns ang GABAYAN Program para sa prostituted women o Harlots kung saan pinakakain, binibihisan at tinutulungan ang bawat biktima na tuluyang maahon sa prostitusyon.
Mapapanood at matutunghayan ang kabuuang dokumentaryo ng “Church-In-Action” sa TV Maria sa pamamagitan ng Sky cable 210, Destiny cable 96, Sky direct 49 at Satlite 102 sa ika-25 ng Nobyembre 2019.
Sa iba pang karagdagang impormasyon sa masaklap na dinaranas ng mga babaeng biktima ng maunlad na “sex commercialization” sa bansa, bisitahin ang veritas846.ph, www.rcam.org na itinanghal na best Diocesan website sa ikaapat na Catholic Social Media Awards.