332 total views
Ang nutrisyon ay isa sa mga suliranin ng Pilipinas na kay hirap tapusin. Taon-taon na lamang, ating nakikita na marami pa ring mga bata, pati mga nagdadalantao, ang kulang na kulang sa maayos na nutrisyon sa ating bansa.
Ayon nga sa isang pag-aaral ng World Bank, halos tatlumpung taon nang wala masyadong pagbabago sa sitwasyon ng undernutrition sa ating bansa. Isa sa tatlong bata pa rin na may edad lima pababa sa ating bayan ay stunted, o maliit para sa kanyang edad. Maliban pa dito, pang-lima ang bansa sa sampung bayan sa East Asia and the Pacific region na may mataas na bilang ng mga batang kulang sa laki o bigat para sa kanilang edad. Ang nakakalungkot, may mga lugar pa sa ating baya kung saan mahigit pa sa 40% ng mga populasyon ng batang may edad lima pababa ang stunted. Kasama sa mga lugar na ito ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na may 45%, MIMAROPA, 41%, at tig-40% naman sa mga rehiyon ng Bicol, Western Visayas, at SOCCKSARGEN.
Kapanalig, ang nutrisyon ng mga bata ay mahalaga, hindi lamang para sa mga bata o sa pamilya nila, kundi para sa bansa. Baka nakakalimutan natin na ang mga bata ay kinabukasan ng bayan. Anong naghihintay sa ating bayan sa kalaunan kung puro gutom at kulang sa nutrisyon ang ating mga batang pinalalaki?
Ang mga batang kulang sa nutrisyon kapanalig, ay maraming kinakaharap na banta sa buhay. Unang-una, ang batang kulang sa nutrisyon ay malapit sa sakit pati na rin sa mortalidad. Nade-delay din kapanalig ang kanilang development, hindi lamang sa katawan, kundi pati sa ibang aspeto ng kanilang buhay – gaya sa kanilang pag-iisip pati kapasidad na makapag-aral. Ang batang kulang sa nutrisyon ay kulang din ang lakas para sa kanilang mga pangkaraniwang gawain.
Kapanalig, ang problema natin sa kakulangan sa nutrisyon sa bayan ngayon ay lalong napapalala ng pandemya. Dahil sa malawakang kahirapn na dulot ng mga mobility restrictions upang hindi na kumalat ang COVID-19 virus, mas maraming Filipino ang naghirap at nagutom. Mas masidhi ang problema ngayon ng under-nutrition, at mas agarang solusyon ang kailangan. Kapanalig, dalawa dito ay ang pagdadagdag pa sa budget para sa nutrisyon ng kabataan, at mas malakawang ugnayan ng iba’t ibang sector upang masiguro na ang bata ay laging naalagagan. Isang halimbawa ng ugnayan o partnership na ito ay sa pagitan ng DepEd, DOH, at LGU, hindi lamang sa financing kapanalig, kundi pati sa polisiya.
Ang malawakang pagkilos para mawaksi na ang problema ng kakulangan sa nutrisyon ng mga bata ay angko lamang – sila ang pinakabulnerable sa ating lipunan. Kung hindi tayo kikilos para sa mga bata, e di sino? Ayon nga sa Gaudium Et Spes: “Feed the people dying of hunger, because if you do not feed them you are killing them.”
Sumainyo ang Katotohanan.