1,415 total views
Mga Kapanalig, sa gitna ng malaking utang ng ating bansa upang tugunan ang COVID-19 pandemic at kabi-kabilang proyektong imprastraktura sa ilalim ng Build, Build, Build Program, ang huling loan sa papatapós na administrasyong Duterte ay tututok sa kalusugan at nutrisyon ng mga bata. Uutang ang ating bansa ng mahigit 178 milyong dolyar para sa mga programang naglalayong solusyunan ang laganap na malnutrisyon at stunting o pagiging bansot ng mga batang Pilipino.
Noong 2018, tatlo sa bawat sampung batang Pinoy ay stunted. Ayon sa World Bank, panglima ang Pilipinas sa mga bansa sa East Asia and Pacific sa may pinakamataas na bilang ng mga batang stunted. Sa buong mundo naman, pangsampu ang ating bansa sa dami ng mga batang stunted. Upang mapababa ito sa 20%, kinakailangang bumaba ng dalawang porsyento kada taon ang bilang ng mga batang stunted. Ngunit dahil sa pandemya, halos naging “silent pandemic” na rin ang stunting. Sa isang pag-aaral naman, nakitang halos walang pagbabago ang antas ng undernutrition sa ating bansa sa loob ng tatlong dekada. May mga rehiyon ding higit 40% ang antas ng stunting. Kabilang dito ang BARMM, MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, at SOCCSKSARGEN. Lubhang nakakaalarma ang isyung pangkalusugang ito.
Ang halos 200 milyong uutangin natin ay may tatlong components. Una ay ang primary health care integration upang matiyak na madaling makakamit ng mga bata ang mga batayang serbisyong pangkalusugan, katulad ng pagkakaroon ng gamot at referral sa mga doktor sa mga ospital. Pangalawa ay ang community-based nutrition service delivery o ang paglapit ng mga serbisyo sa mga komunidad. At pangatlo ay ang pagpapalakas ng mga ahensyang nagpapatupad nito upang matiyak na may kakayanan silang ihatid sa mga bata ang mga programang pangkalusugan.
Ang malusog na kabataan ay nagpapahiwatig ng malusog na mamamayan sa hinaharap. Sila ang mga mamamayang mag-aambag sa pag-unlad ng ating bansa. Kung mananatiling stunted at undernourished ang mga bata, hindi lamang natin sila pinagkakaitan ng kanilang karapatan sa wastong nutrisyon at maayos na kalusugan. Ipinakikita rin nitong hindi prayoridad ng pamahalaan ang mga mamamayang kayamanan ng ating bansa. Bagamat nariyan na ang mga batas katulad ng First 1,000 Days Law at Universal Health Care Law, kailangan ng sapat na pondo o budget upang maipatupad ang mga programang magtitiyak na makakamit ang mga layunin ng mga batas na ito. Ang First 1,000 Days Law, halimbawa, na kumikilalang kritikal sa paglaki at pag-unlad ng bawat bata ang unang 1,000 araw mula sa sinapupunan hanggang sa kanyang paglaki ay naglalayong tiyaking may sapat na nutrisyon ang mga bata sa panahong ito.
Ang ating Santa Iglesia ay naniniwala sa halaga ng bawat bata at sa kanilang karapatan sa wastong nutrisyon at maayos na kalusugan. Sabi nga ni Pope Francis, “children are indispensable resource for the future.” Dahil magkakaugnay ang mga hamong hinaharap ng bawat pamilya, hindi maaaring pag-usapan ang sustainable development o pangmatalagan at tuluy-tuloy na pag-unlad kung hindi kinikilala ang pagkakaugnay ng bawat henerasyon. Dagdag pa ng Santo Papa, may tungkulin ang pamahalaang lutasin ang mga humahadlang sa pag-unlad ng mga pamilya at mga bata, dahil ang pag-unlad nito ay may positibong epekto sa bawat isang bumubuo sa lipunan.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Ecclesiastes 3:13, “At ang bawat tao rin naman ay marapat kumain at uminom, at magalak sa kabutihan sa lahat niyang gawa, siyang kaloob ng Diyos.” Hindi lamang natin dapat tiyakin ang nutrisyon ng bawat bata dahil ito ay kanilang karapatan o dahil ito ay magtitiyak ng kanilang ambag sa lipunan. Dapat natin silang pakainin nang wasto at siguruhin ang maayos nilang kalusugan dahil kaloob ng Diyos ang mga ito.