582 total views
Kapanalig, malaking problema pa rin ang nutrisyon sa ating bansa. Sa hirap ng buhay ngayon, mas salat sa pagkain ang mas nakararami nating kababayan.
Ayon nga sa isang report ng Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO), mga 5.7 milyong Filipino ang undernourished noong 2019 hanggang 2021. Isa tayo sa mga 63 na bansa na may maraming undernourished na mamamayan.
Ang pruweba ng undernourishment na ito ay makikita sa dami ng mga batang nagagapi dahil sa gutom at sa dami rin ng mga batang stunted o maliit para sa kanilang edad sa ating bansa. Ayon sa UNICEF, 95 na bata ang namamatay sa ating bansa kada araw dahil sa malnutrisyon. 27 sa isang libong bata ang hindi na umaabot o lumalampas pa sa kanilang pang-limang taong kaarawan. Ikatlo o one-third sa mga batang Filipino ang punggok o stunted – maaari itong maging permanente at nakamamatay.
Kapanalig, ang kalusugan ng ating mga kabataan ang siyang unang nagagapi ng kasalatan sa pagkain. Napakalaki ng implikasyon at epekto nito. Ang kalusugan ng mga bata, mula sanggol hanggang kanilang puberty ay napakahalaga dahil ito ang kanilang pundasyon para sa kanilang magandang kinabukasan. Kapag laging gutom o walang nutrisyon ang pagkain, hindi lamang ang katawan ang naapektuhan, pati brain development ng mga bata ay tatamaan. Kapag mangyari ito, pati ang kanilang learning at cognitive abilities ay maapektuhan – mas magiging mabagal sila umintindi ng mga leksyon sa klase, mas hirap silang mag-aral, at mas matamlay silang kumilos kumpara sa iba nilang kamag-aral. Habang dumadami ang bilang nila, hindi lamang sila ang mahihirapan, kundi ang kanilang pamilya, ang kanilang magiging pamilya, ang kanilang pamayanan, at maging ang ating bansa. Ang mga bata ngayon ay ating magiging decision-makers sa hinaharap. Kung hinayaan nating mapurol ang kanilang kaisipan at kakayahan dahil sa gutom, atin ding nilustay ang kanilang kinabukasan pati na ang bayan.
Kailangan nating tugunan ang isyung ito sa lalong madaling panahon. Kailangan nati matiyak ang suplay ng abot-kaya, dekalidad, at masustansyang pagkain para sa lahat. Sa ngayon, hirap na hirap gawin ng bayan ito. Pati sibuyas nga ay hindi na natin maabot ang presyo, paano naman kaya ang iba pang uri ng pagkain?
Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang mensahe para sa Director General ng FAO noong 2021: Ang pagdaig sa gutom ay isa sa mga dakilang hamon ng sangkatauhan. Paalala niya: Ang ating mga aksyon ay ang ating kinabukasan: Mas mahusay na produksyon, mas mahusay na nutrisyon, isang mas mahusay na kapaligiran at isang mas mahusay na buhay. Kailangan nating sama-samang kumilos upang ang lahat ay may access sa pagkain.
Sumainyo ang Katotohanan.