157 total views
Panaghoy ni Pope Francis sa Evangelii Gaudium: “I beg the Lord to grant us more politicians who are genuinely disturbed by the state of society, the people, the lives of the poor! It is vital that government leaders and financial leaders take heed and broaden their horizons, working to ensure that all citizens have dignified work, education and healthcare.”
Kapanalig, ang panaghoy na ito ay binubulong din ng maraming magulang ngayon, dahil marami sa kanila ay hindi na kinakaya na mabigyan pa ng sapat na nutrisyon ang kanilang mga supling. Noong nakaraang taon, nakita sa sa isang pagsusuri ng Department of Science and Technology ang tunay na sitwasyon ng nutrisyon at katiyakan sa pagkain sa panahon ng COVID-19 pandemic. 62% ng kanilang mga na-survey na indibidwal ay nakaranas ng moderate to severe food insecurity. Para lamang makakain, 71.8% ng mga tumugon sa survey ay bumili ng pagkain sa pamamagitan ng pangungutang o credit, 66.3% ay nanghiram sa kamag-anak o kapitbahay, at may 30.2% naman ang nakipag-barter.
Nakapaka-hirap para sa ating bayan mawaksi ang problema sa nutrisyon. Ayon sa World Bank, halos walang nagbago sa problema ng nutrisyon sa bayan sa loob ng tatlumpung taon. Isa sa tatlo o 29% pa rin ng mga batang may edad lima pababa sa ating bayan ang “stunted” o maliit para sa kanilang edad. Panglima tayo sa mga bansa sa East Asia and the Pacific na may pinakamaraming stunted na bata. Isa rin tayo sa sampung bansa sa buong mundo na may pinaka-mataas na bilang ng mga batang stunted.
Agarang aksyon, kapanalig, ang kailangan dito. Mas matagal nang problema ang gutom at nutrisyon sa bansa kaysa sa droga, pero hindi man lang ito na-prayoridad ng pamahalaan. At habang pinatatagal natin ito, mas lalo nating pinalalala. Sa sa pagpapabaya, ang kinabukasan natin ang nakataya.
Ang problema sa nutrisyon at sapat na pagkain ay hadlang sa kaunlaran ng bansa. Pakatandaan sana natin na ang maayos na nutrisyon ay pundasyon ng ekonomiya ng bayan. Kung wala ito, walang kikilos para sa kinabukasan ng bansa. Sinisira nito ang pinaka-mahalagang kayamanan ng ating bayan – ang ating human resources.
Sumainyo ang Katotohanan.