50,130 total views
Mga Kapanalig, ang buwan ng Hunyo ay Nutrition Month batay sa Presidential Decree No. 491 noong 1974. Ngayong taon, ibinibida ng National Nutrition Council ang Philippine Plan of Action for Nutrition (o PPAN) sa selebrasyon ng Nutrition Month, na may temang “Sa PPAN: Sama-sama sa nutrisyong sapat para sa lahat!”.
Ano nga ba ang PPAN?
Inilabas ang PPAN noong 2023 upang magsilbing gabay ng gobyerno sa paglaban sa malnutrisyon. Idinisenyo itong magamit hanggang 2028, at nakahanay ito sa ilang pandaigdigang gabay sa pag-unlad, gaya ng Sustainable Development Goals ng United Nations at ng Global Nutrition Targets ng World Health Organization. Tatlong estratehiya ang sinusundan ng PPAN: healthier diets, improved nutrition practices, at access to nutrition and related services. Tatlong isyu ng malnutrisyon din ang nilalabanan ng mga estratehiyang ito: undernutrition, overnutrition, at micronutrient deficiencies.
Patuloy na hinaharap ng mga batang Pilipino ang undernutrition o kakulangan sa nutrisyon. Ayon sa United Nations Children’s Fund (o Unicef), kabilang ang Pilipinas sa 20 bansang may pinakamalalang child food poverty. Ibig sabihin, maraming bata at kabataang Pilipino ang hindi nakakakain ng sapat at masustansyang pagkain. Sa mga batang edad 5 pababa sa bansa, 18% o dalawang milyon daw ang severely food poor. Sa parehas na edad, 27% ang stunted o bansot dahil sa malnutrisyon. Mas mataas ito sa global average ng stunting na 22%.
Ang kakulangan sa nutrisyon sa napakamurang edad ay may panghabambuhay na mga epekto sa buhay, pisikal na paglaki, at pagbuo ng kaisipan ng mga bata. Ibig sabihin, apektado rin ang kanilang pag-aaral, at kalaunan, ang kanilang pagganap sa trabaho. Kaya naman, inirerekomenda ng World Bank sa ating gobyerno na mag-invest sa unang 10 taon ng mga bata, kung kailan nabubuo ang kanilang skills at potential. Sa ganitong paraan, magkakaroon tayo ng mga malulusog at produktibong manggagawang magpapaunlad naman sa ating ekonomiya.
Sabi nga sa sulat ni San Pablo sa mga Taga-Roma 13:7, “Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya”. Sa kaso ng mga bata, nararapat silang makatanggap ng sapat at masustansyang pagkain. Tungkulin naman ng pamahalaan ang pagtiyak na nakakamit ng mga mamamayan ang kanilang mga karapatan. Kasama dapat dito ang panatilihing abot-kaya ang presyo ng masusustansyang pagkain sa mga pamilihan, upang hindi mapilitan ang mga batang kumain ng mga pagkaing mura nga pero nakasasama naman sa kalusugan.
Sa kanyang mensahe para sa World Food Day noong 2021, sinabi naman ni Pope Francis na huwag sana nating tingnan ang pagkain bilang isang produktong pinagkakakitaan lamang. Unahin ang nutrisyon ng mga kakain, hindi ang pagpapataba sa bulsa ng mga negosyo.
Mga Kapanalig, matupad sana ang sinabi sa tema ng selebrasyon ng Nutrition Month na magsama-sama sa nutrisyong sapat para sa lahat. Sa isang banda, nariyan ang mga magulang na may tungkuling pakainin ang mga bata. Sa kabilang banda naman, nariyan ang pamahalaang magpapatupad ng mga batas at maghahatid ng mga serbisyong makasisigurong abot-kamay ng bawat pamilya at mamamayang Pilipino ang masusustansyang pagkain.
Sumainyo ang katotohanan.