1,240 total views
Mahalagang pagtuunan ang ang pagkakaroon ng wastong nutrisyon ng bawat mamamamayan, ayon sa opisyal ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).
Ayon kay DOST-FNRI Director Imelda Angeles-Agdeppa, ang pamumuhunan upang mapabuti ang kalusugan ng mamamayan sa pamamagitan ng wastong nutrisyon ay higit na makatutulong sa pagtugon sa lumalalang kaso ng kagutuman at malnutrisyon sa bansa.
Paliwanag ng opisyal na ang masustansyang pagkain ay makatutulong na maging masigla at malusog ang pangangatawan upang magampanan ang mga tungkulin sa pang-araw-araw na gawain.
“Nutrition is a social investment… Ang gusto natin ay nakikita natin ang mga tao, ang mga kababayan natin ay masigla–masaya, at productive. That, it will contribute to the economic rise of the Philippines,” pahayag ni Agdeppa sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay naman sa paggunita sa 2023 National Nutrition Month na may temang “Healthy Diet gawing Affordable for All”, binigyan diin ni Agdeppa na hindi kailangang gumastos ng malaking halaga para lamang magkaroon ng masustansyang pagkain.
Inihayag ng direktor ng DOST-FNRI na sinisikap ng ahensya na makalikha ng mga produktong masustansya at abot-kaya ang halaga upang mapakinabangan ng mga nasa mahihirap na sektor ng lipunan na higit na nakakaranas ng kagutuman at malnutrisyon.
Dagdag pa ni Agdeppa na nakikipag-ugnayan din ang DOST-FNRI sa Department of Agriculture para sa abot-kayang halagang prutas at gulay na gagamiting sangkap sa paglikha ng masustansyang produkto.
Sinabi ng opisyal na ang pakikipagtulungan ng DA ay malaking kaluwagan sa DOST-FNRI dahil sa murang halaga ng mga produkto ay marami nang matutulungang mahihirap na mamamayan.
“Hindi lahat ng mga healthy diet ay mahal. Masasabi mong healthy diet ‘yan kahit na mura dahil po ang mga nutritionist/dietitians ay talagang gumagawa po ng paraan para ang pagkain natin ay mura… It’s actually more on the law of supply and demand, kaya nakiki-connect din kami sa Department of Agriculture to produce more of those vegetables and fruits that are actually cheap enough for the consumption of Filipinos,” ayon kay Agdeppa.
Ayon sa World Bank, ang kahirapan ang nangungunang dahilan ng kakulangan sa nutrisyon sa bawat pamilyang Pilipino.
Batay naman sa 2021 Expanded National Nutrition Survey, 68 porsyento o higit 75-milyong Filipino ang walang kakayahang magkaroon ng malusog na pagkain noong 2022.
Kabilang naman sa mga itinataguyod ng Caritas Philippines ang Alay Para sa Kalusugan-PaMEALya feeding program bilang tugon ng simbahan sa kagutuman at malnutrisyon sa bansa.
Hunyo 25, 1974 nang lagdaan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. ang Presidential Decree No. 491 na itinatalaga ang Hulyo bilang buwan ng pambansang nutrisyon upang bigyang kamalayan ang bawat Filipino sa kahalagahan ng wastong nutrisyon sa katawan.