2,701 total views
Ipinapanalangin ni Bayombong, Nueva Vizcaya Bishop Jose Elmer Mangalinao ang patuloy na pamamatnubay ng Panginoon ngayong nahaharap ang bansa sa banta ng Super Typhoon Betty.
Bagamat pinangangambahan ang malakas na bagyo, dalangin ni Bishop Mangalinao na hindi ito magdulot ng malaking pinsala sa kapaligiran lalo na sa buhay ng mga maaapektuhang pamayanan.
“Panginoon naming Diyos, muli kaming lumalapit sa Iyo bilang Isang sambayanan na nangangailangan ng Inyong pamamatnubay. Muli po at may nagbabantang unos na paparating sa aming bansa, Kayo po ang PANGINOON ng lahat ng nilikha. Mangyari po na Inyong papayapain ang mapanirang bagyo upang maiwasan ang pagkawasak ng mga ari-ariang Inyong kaloob at hindi makapinsala sa buhay at kabuhayan ng sambayanan. Sa pamamagitan ng Inyong makapangyarihang salita ay mapawi ang dilim ng kapaligiran at sumilay ang liwanag ng Inyong kapangyarihan,“ panalangin ni Bishop Mangalinao mula sa panayam ng Radyo Veritas.
Samantala, nakaantabay naman ang mga Diocesan Social Action Centers ng Northern Luzon para sa posibleng epekto ng Super Typhoon Betty.
Ayon kay Bontoc-Lagawe SAC director Fr. Apol Dulawan, maaliwalas at mainit ang panahon sa Ifugao at Mountain Province.
Sinabi naman ni Fr. Dulawan na nakahanda ang apostolic vicariate para tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga residente sakaling magsilikas.
Nakapanayam din ng Radio Veritas si DZEA Radyo Totoo Laoag Assistant Station Manager Fr. Melchor Palomares at sinabing wala pang sensyales ng bagyo sa lalawigan ng Ilocos Sur ngunit nakaantabay na rin ang mga kawani mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.
“Napakainit at matindi ang sikat ng araw dito sa Laoag. PDRRMC is already in placed at the capitol as mandated by Gov. Matthew Manotoc,” ayon kay Fr. Palomares.
Batay sa ulat ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng Bagyong Betty 1,170 kilometro silangang bahagi ng Central Luzon.
Napanatili nito ang lakas ng hanging aabot sa 195 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 240 km/h, at patuloy na binabagtas ang direksyong pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 30 km/h.