9,451 total views
Ikinatuwa ni Apostolic Vicariate of Taytay Palawan Bishop Emeritus Edgardo Juanich ang aktibong pagtupad ng mga mananampalataya sa kanilang tungkulin na bumoto ngayong halalan 2019.
Ayon sa Obispo, marami sa mga botante ang mula pa sa maliliit na isla sa Palawan na hindi naging hadlang upang sila ay pumunta sa mga itinalagang presinto para boboto.
Tinukoy din ni Bishop Juanich ang aktibong partisipasyon ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagsali sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting bilang mga volunteers.
Sinabi ng Obispo na magandang senyales ito na ang mga kabataan ay mayroong kamalayan kung gaano kahalaga ang pakikilahok sa halalan lalo na ang pagbabantay sa mapayapa at patas na eleksyon.
“Maraming mga bumoboto, nag participate talaga sila ngayon. Yung ibang galing sa mga islands pero sakop talaga sila ng isang barangay, bumoboto sila…Nakakatuwa rin dahil maraming mga kabataan ngayon ang talagang nag ano [active] sila sa PPCRV bilang mga volunteers.” Bahagi ng pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Sa kabila nito, dismayado naman ang Obispo sa laganap na vote buying sa nasasakupan ng Apostolic Vicariate of Taytay Palawan.
Aniya, sa kanyang obserbasyon at pagkausap sa iba’t-ibang mga tao ay umaabot sa 500 hanggang 1,000 piso ang mga halagang ipinamimigay ng ilang mga kandidato.
Nakapagtataka lamang na walang isa man sa kanilang lugar ang nahuhuli o napapanagot sa batas sa kabila ng malinaw na paglabag sa batas dahil sa vote buying.
Umaasa na lamang ang Obispo na sa kabila nito ay iiral pa rin ang konsensya ng mga botante at manaig pa rin ang karapatdapat na kandidatong mayroong mabuting hangarin para sa bayan at sa kanilang lalawigan.