348 total views
Ang pangakong kaligtasan ng Panginoon ay para sa lahat.
Ito ang binigyang diin ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa magandang balita ng kaligtasan na mensahe ng pasko ng pagsilang ni Hesus.
Sa pagninilay ng Obispo sa Veritas Chapel para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon ay binigyang diin nito na ang magandang balita at biyaya ng Diyos ay para sa lahat kaya’t hindi naaangkop na ito ay sarilihin o ipagkait sa kapwa.
Kaugnay nito dismayado ang Obispo sa problema ng kasakiman at tukso ng pagkakanya-kanya sa kasalukuyang panahon partikular na sa usapin ng bakuna laban sa Coronavirus Disease 2019 kung saan maraming mga mayayamang bansa ang nais na maunang makakuha ng bakuna habang naisasantabi ang ibang mga bansa.
“Salvation is for all people, ito ay isang magandang balita. Ang biyaya ng Diyos ay para sa lahat kaya si Hesus ay dumating para sa lahat, pero ang magandang balitang ito ay isang malaking hamon sa ating panahon ngayon na dahil sa maraming problema at sa kasakiman malaki ang tukso na magkanya-kanya nalang tayo para sa atin lang ang biyaya at isinasantabi natin yung iba. Maliwanag itong nangyayari ngayon sa agawan at talagang agawan sa vaccine, ang mayayamang bansa ay gustong sila lang muna ang mabakunahan kasi sila ang may pera, sila ang makabibili nito…” Ang bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo sa Veritas Chapel.
Partikular na pinuna ni Bishop Pabillo ang illegal na pagpapalusot at paggamit ng mismong ilang mga kawani ng pamahalaan sa bakuna laban sa COVID-19 virus na hindi aprubado at hindi man lang dumaan sa Food and Drug Administration.
Ayon sa Obispo, higit na nakadidismaya ang paglabag sa proseso ng mismong mga kawani ng pamahalaan na silang dapat na mahigpit na nagpapatupad at sumusunod sa mga batas.
Dismayado rin si Bishop Pabillo sa kawalan ng naaangkop na pagtugon kaugnay sa nasabing usapin kung saan bukod sa pag-iimbestiga ay tila hindi naman mapapanagot ang mga dapat na managot sa paglabag sa mga umiiral na batas sa bansa.
Giit ng Obispo dapat na malaman ng lahat na ang kaligtasan ay para sa lahat at walang dapat na maisantabi sapagkat hindi magiging ganap ang kaligtasan kung ito ay para sa iilan lamang.
“Pati na dito sa ating bayan may mga taong nagpapalusot, nagpupumilit na unang mabakunahan kahit na hindi pa inaaprubahan ng gobyerno, at mga taong gobyerno pa ang lumalabag sa proseso na takda ng gobyerno its one for himself first and the government does nothing about it, it just investigates and does not prosecute. Hindi (ito tama) ang kaligtasan ay para sa lahat, kailangan tayong matuto na kung hindi maliligtas ang lahat ay hindi maliligtas ang bawat isa…”
Matatandaang una nang inamin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ilang opisyal ng pamahalaan ang paggamit ng bakuna kontra sa COVID-19 virus ng ilang kawani ng Armed Forces of the Philippines at Presidential Security Group bagamat hindi pa ito dumaan at aprubado ng FDA.
Sinuportahan naman ito Department of Health at inihayag na hindi paglabag ang nauna ng paggamit ng ilang kawani ng AFP at PSG ng hindi aprubadong bakuna sa kasunduan na dapat unang mabakunahan ang mga health workers at mga mahihirap na walang kakayanang makabili ng gamot.