352 total views
July 11, 2020-11:00am
Dismayado si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa pagtanggi ng House Committee on Legislative Franchises na gawaran ng 25-taong prangkisa ang ABS-CBN.
Tiniyak naman ng Obispo ang pakiisa ng simbahan sa Kapamilya Network at umaasa sa kanilang muling pagbangon.
Ikinalulungkot ni Bishop Pabillo ang naging desisyon ng kongreso sa kabila na rin ng problemang kinaharap ng bansa na dulot ng pandemic novel coronavirus kung saan hinit na kinakailangan ang iba’t ibang mapagkukunan ng mga balita at impormasyon ng publiko.
Hiling din ng obispo sa bawat mamahayag na magkaisa at hindi dapat matakot na magsalita at tuwinang ipahayag ang katotohanan sa kabila ng sinapit ng ABS-CBN.
“Kaya susuportahan natin sila sa anumang magagawa natin. Kasi mas kailangan natin na mas maraming mga news platform para maging balance ang news natin. At dahil sa pangyayaring yan hindi dapat tayo matakot na magsalita, kaya nga yan ang isang dahilan niyan para takutin yung ibang mga mamamahayag kaya hindi dapat, dapat suportahan natin magkaisa ang mga mamamahayag,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Ayon pa sa obispo, dulot ng pagsasara ng istasyon na kabawasan sa mapagkukunan ng balita at impormasyon mahigit din sa 11,000 empleyado ang mawalan ng trabaho sa gitna ng krisis na kinahaharap ng bansa mula sa COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ni Bishop Pabillo, lumalabas din sa 12-araw na pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na walang batas na nilabag ng himpilan na maaring gamiting batayan para hindi gawaran ng prangkisa.
“Yun ngayon ang problema sa panahon na maraming mga tao ay walang trabaho ay dinadagdagan pa sa halip na makatulong sila dinadagdagan pa. Yung mga taong nangangailangan ng impormasyon na naabot ng ABS-CBN ngayon nakukulangan ng impormasyon at saka yung mga taong may trabaho ay tinatanggalan pa ng trabaho sa hindi naman ganun kahalaga na binibintang nila sa ABS-CBN hindi naman nga mabigat ang mga binibintang nila at napatunayan naman ng ABS-CBN na hindi naman totoo,” ayon pa kay Bishop Pabillo.
Sa botong 70-Yes; 11-No, 2-inhibit, at 1-abstained ay inaprubahan ng mga miyembro at ex-officio members ng House Committee on Legislative Franchises ang resolusyon katuwang ang House Committe on Good Government and Public Accountability na nagsasabing hindi dapat bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.