429 total views
Dismayado si Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa isinagawang profiling ng mga otoridad sa mga nagtatag ng community pantries.
Ayon kay Bishop Pabillo ipinakikita ng pamahalaan ang kawalang pagmamalasakit sa mamamayan dahil hinahadlangan ang pamamaraan ng mga tao na matulungan ang bawat isa.
Ayon sa Obispo, dapat suportahan ng pamahalaan ang magagandang inisyatibo ng mamamayan upang mabawasan ang paghihirap ng mga nasasakupan.
“Sa halip na ito’y tulungan, sa halip na isulong nandiyan na naman ang red-tagging; ganoon ka-insecure ang ating pamahalaan, ang ating kapulisan na kapag may ginagawa para sa tao sinasabi nila na iyan ay laban sa gobyerno,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Iginiit ng tagapangasiwa ng arkidiyosesis na maganda ang hangarin sa pagtatayo ng community pantries para tulungan ang mga labis naapektuhan ng pandemya.
Nitong Abril 20, pansamantalang itinigil ang operasyon sa Maginhawa Community Pantry na sinimulan ni Patricia Non dahil sa pangamba sa seguridad ng mga kasamahang volunteers makaraang tatlong kawani ng Philippine National Police ang nag-iimbestiga kung anong grupo ang nasa likod ng community pantry.
Lantaran din ang red-tagging sa mga community pantries sa mga social media pages sa pangangasiwa ng ilang ahensya ng gobyerno kabilang na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Panawagan ni Bishop Pabillo sa pamahalaan at militar na gamitin ang malaking halaga ng pondong alokasyon sa pag-iimbestiga hinggil sa terorismo.
“Iyong mga pulis, militar at pamahalaan, malaki ang kanilang budget, mga anti-subersive funding dapat gamitin ito sa pag-iimbestiga, hindi iyong basta-basta mag redtagged ng mga tao o grupo,” ani Bishop Pabillo.
Una nang pinabulaanan ni PNP Chief Debold Sinas ang profiling at tiniyak na paiimbestigahan ang naturang insidente.
Nakipag-ugnayan na rin si Quezon City Mayor Joy Belmonte kay Non kasunod ng paghingi ng tulong sa lokal na pamahalaan para sa kaligtasan.
Suportado ng alkalde ang community pantries sapagkat makatutulong ito sa pangangailangan ng mamamayan at pagpapakita ng bayanihan sa panahon ng higit nangangailangan ang kapwa.
Bago maging patok sa mga komunidad ang community pantries, una nang naglunsad ang Caritas Philippines noong Marso 2020 nang ‘Kindness Station’ na kahalintulad na konsepto sa community pantry