190 total views
Hinikayat ni Iligan Bishop Elenito Galido ang bawat mananampalataya na ipanalangin sa Mahal na Inang Maria ang kapayapaan at pangalagaan ang bawat isa mula sa banta ng karahasan.
Ito ang mensahe ng Obispo sa pagdiriwang ng simbahang katolika ng kaarawan ng Mahal na Ina na itinakda sa ika-8 ng Setyembre.
Ayon obispo, ating hilingin sa pamamagitan ni Maria ang kaligtasan ng lahat mula sa panganib na nagaganap sa ating lipunan.
“We pray always for the intercession of the Blessed Virgin Mary to protect from those who harm us and peace be in our hearts and security in our sorrounding. Queen of peace pray for us, intercede for us always,” ayon sa mensahe ng obispo.
Bagama’t walang nakatalang petsa ng kapanganakan ni Maria, ito ay ipinagdiriwang ng simbahan siyam na buwan matapos ang pagdiriwang ng Immaculate Conception na ginugunita naman tuwing December 8.
Ang pagdiriwang ng kanyang kaarawan ay bilang pagkilala kay Maria bilang Ina ni Hesus at naging daluyan para sa pagsasakatuparan ng kaligtasan ng sangkatauhan.
Ang Pilipinas na may higit sa 80 porsiyento ng mga Katoliko ay kilalang nagtatangi sa Birheng Maria at sa katunayan ay tinatawag din bilang Pueblo Amante de Maria lalut karamihan sa mga parokya sa buong bansa ay nakatalaga sa Mahal na Ina.
Ang bansa ay binubuo ng 86 diyosesis at arkidiyosesis mula sa 17 Ecclesiastical Provinces kung saan higit sa 10 ang matatagpuang pambansang dambana ng Mahal na Inang Maria.