309 total views
June 14, 2020, 12:42PM
Muling umapela ang tagapangasiwa ng Arkidiyosesis ng Maynila sa pamahalaan na ikonsidera ang pagpahintulot sa pagdiriwang ng mga gawaing pansimbahan.
Sa pagninilay ni Bishop Broderick Pabillo sa misang ginanap sa Radio Veritas Chapel, iginiit nitong hindi dapat ihanay sa entertainment ang mga religious services at hindi rin ito matatawag na mass gatherings dahil tinitiyak ng mga simbahan na mahigpit maipatutupad ang physical distancing.
“Religious activities should not be necessarily considered as mass gatherings because we have safeguards to control the people who come to our religious services,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Binigyan diin ng Obispo na hindi makatarungan na limitahan lamang sa lima hanggang sampung katao ang dadalo sa mga banal na misa kung pagbabasehan ang lawak ng simbahan kumpara sa mga tanggapan na hindi matitiyak ang iminumungkahing isang metrong pagitan bilang pagtalima sa panawagang physical distancing.
Sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo, binigyang diin ni Bishop Pabillo na hindi sapat ang online mass para tugunan ang spiritual needs ng mananampalataya.
“Online masses are not the same as the real Eucharist; For this we clamor to the IATF to consider religious service as essential services and not just consider us in the category of entertainment, among movies and beauty salons,” dagdag ng obispo.
Binigyang pansin ng Obispo na sa halos tatlong buwang quarantine at pagkansela ng mga banal na misa ay napagkaitan ang mananampalataya na makatanggap ng Katawan at Dugo ni Kristo sa Banal na Komunyon.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na nararapat na magsalita upang ipaglaban ang mahalagang sangkap sa buhay ng bawat mananampalataya ang pagtanggap sa Katawan at Dugo ni Kristo sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya.
Matatandaang sa rekomendasyon ng IATF hanggang limang katao lamang ang papayagang makadadalo sa religious gatherings sa mga lugar na umiiral ang general community quarantine habang sampung katao naman sa modified general community quarantine.
Sa ika – 15 ng Hunyo nakatakdang ipahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte ang panibagong alituntunin sa community quarantine batay sa rekomendasyon ng mga ekspertong pangkalusugan.
Ibabase ng pangulong Duterte sa rekomendasyon ng I-A-T-F ang maging pasya kung ibababa sa M-E-C-Q ang Metro Manila o National Capital Region.